Pakikipagkaibigan habang nasa teenage years

UNK_22_artwork_1

Hay, teenage era! Ang daming nangyayari kapag nasa ganitong stage ng buhay, ‘no? Andyan yung halo-halong emosyon at mga physical changes na ‘di mo rin ma-gets, dagdag mo pa yung paghahanap ng perfect “truepa”. Hayyy! Relate ka ba? 

Mga challenges sa pakikipagkaibigan sa Gen Z era 

Hirap ka ba mag fit in o maghanap ng mga kaibigang kapareho mo ng trip? Narito ang ilan sa mga maaaring dahilan:

  • Social media friendships

Friends mo rin ba IRL ang Facebook friends mo? Maraming pagkakaibigan ang nabubuo dahil sa socmed pero maaari din itong maging superficial o hanggang “online world” lang. Minsan nasanay na tayo sa online friends na hindi na natin sigurado kung paano mag-connect sa totoong buhay o hindi na natin gaano ine-effortan ito. 

  • Pressure sa pag-aaral

Ang stress sa pag-aaral ay pwede ring dahilan kung bakit hirap ang mga teenager na bumuo ng mga meaningful connections. Maaari kasing maituring na kakompetensya natin ang ibang mga kaklase na siyang pwedeng maging hadlang sa pagbuo ng close relationships. Ramdam din ito ng mga iba sa ating naka-homeschooling dahil mas focused sila sa pag-aaral at kakaunti ang chance na maka-interact sa kapwa kabataan.

  • Self-esteem at social anxiety

Kaakibat ng teenage years ang awkwardness o pagkailang. Sa panahon na ito, hindi pa tayo confident sa ating sarili at masiyado pa natin pinahahalagahan kung ano ang opiniyon ng iba tungkol sa atin. Ito ay pwedeng magdulot ng hiya o kawalan ng lakas ng loob na magsimula ng friendship. Takot tayo na hindi magustuhan, ma-reject, at higit sa lahat, ma-bully, kaya maaaring lumala ang ating social anxiety. 

Mga tips para makabuo ng pagkakaibigan

Kahit ganito ang realidad natin ngayon, pwede mong piliin na mag-invest sa friendships, online man o offline. Narito ang ilang tips na pwedeng makatulong:

  • Maging open-minded

Maging open-minded sa pakikipag-usap sa mga tao. Pwedeng minsan akala mo hindi kayo swak o hindi sila interesado, pero marami pala kayong mga bagay na pwedeng mapagkasunduan. Give it a chance! Kung hindi mag-work, ang mahalaga ay naging totoo o authentic ka at na-try mong makipag-usap. Siyempre mas ok kung gagawin ito hindi lang online pero pati sa offline world. Eventually, mahahanap mo rin ang tribu mo an mahahanap ka rin nila. Destiny ba!  

  • Buuin ang tiwala sa isa’t-isa 

Pwedeng excited kang i-share ang mga bagay na gusto mo gaya ng problema sa pag-ibig, pakikipag-date, o sex, pero hinay-hinay lang muna!  Usap muna kayo ng mga light topics gaya ng hobbies at mag-spend ng mas mahabang panahon para magkakilanlan nang husto bago mag-overshare. Sa simula ng pagkakaibigan, dapat pacing lang muna, kilatisin ang mga kausap, at siguraduhin na sila ay mga taong mapagkakatiwalaan at hindi ka ipapahamak.

  • Makipagkaibigan nang may tamang intensyon

Hindi porke sikat sila ay enjoy na silang maging kaibigan. Hindi sa dami ng Facebook friends or followers ang sukatan ng pagiging mabuting kaibigan. Tandaan na bukod sa popularidad, ang mga bagay tulad ng parehong values, mga interes at hobbies, at sense of humor ay mahalagang bigyan din ng pansin. Makipagkaibigan dahil gusto mo ang isang tao, nae-enjoy mo ang kanilang presensiya, at nararamdaman mong naggo-grow ka pag lagi mo silang kasama.  

  • Maging totoo sa sarili

Mas masaya ang friendship kapag totoo kayo sa isa’t isa–yung tipong pwede mong mailapag ang lahat ng sides mo pero tanggap at naiintindihan ka pa rin nila. Kapag totoo ka sa sarili mo, masasala ang mga taong hindi pala swak sayo at mahahanap ka rin ng mga tao na maa-appreciate ka for life. Kaya chill ka lang, have fun, and loosen up!  

  • Mahalin ang sarili

Hindi rin maiaalis ang maikumpara ang sarili sa iba. Pero tandaan na mas magiging madali ang pakikipagkaibigan kung kaibigan mo rin ang sarili mo. Mag-focus sa pag-improve ng self-esteem sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na gusto mo at iwasan ang negative self-talk! Ang pag-focus sa sarili ay makatutulong para makabuo ka nang mas maayos na relasyon sa kapwa. Kung bilib ka sa sarili mo at enjoy mo ang sarili mong company, bibilib din sila sa ‘yo at gugustuhin din nila na makasama ka. 

Huling paalala sa pakikipagkaibigan

Hindi lahat ay kailangan mong maging tropa. Makahanap ka lang ng ilang mga tao na tunay na interesado sa ‘yo, tanggap ka, handang matuto kasama mo sa paglipas ng panahon, at laging gusto kung anong best para sa iyo – at siyempre vice versa – ay on track ka na! Good luck!