Ano ang pagpapatuli at kailangan ba nito?
Ang pagpapatuli ay isang medical procedure kung saan tinatanggal ng doktor o healthcare professional ang foreskin o balat na bumabalot sa dulo ng titi.
Sa Pilipinas, karaniwan itong pinagdadaanan sa puberty stage ng taong ipinanganak na may titi. Kadalasang itinuturing itong rite of passage o sumisimbolo sa paghakbang ng bata patungong pagbibinata o “pagkalalaki”.
Ganito man ang tradisyunal na pagtingin ng mga Pilipino sa pagpapatuli, tandaan na hindi ito batayan ng pagiging “tunay na lalaki”. Ibig sabihin, kahit ‘di ka pa tuli o ayaw mong magpatuli, hindi ito nakakaapekto sa identity o pagkakakilanlan at halaga mo bilang tao. Sa katunayan, may mga tao sa ibang lugar o kultura na choice nila kung magpapatuli sila o hindi.
So, kailangan nga ba nito? Sa totoo lang, hindi naman ito required maliban na lang kung may espesyal na kondisyon ka gaya ng masyadong masikip na foreskin o iba pa.
Mga benepisyo ng pagpapatuli
Kung hindi naman pala kailangang magpatuli, may benepisyo ba ang pagsasagawa nito?
Oo. Nakakatulong ang pagpapatuli sa hygiene o kalinisan ng katawan at sa pag-iwas sa mga impeksyon. Narito ang mga health benefits ng pagpapatuli:
- Mapapababa ang tsansa na magka-urinary tract infection (UTI) o impeksyon sa ihi.
- Mapapababa ang tsansa ng pagkahawa ng sexually transmitted infections (STIs) o sakit na naihahawa sa pakikipagtalik gaya ng human immunodeficiency virus (HIV).
💡Ngunit tandaan na ang paggamit ng condom at regular na pagpapa-test pa rin ang pinaka epektibong paraan para makaiwas sa STIs.
- Makakatulong sa pag-iwas sa iba’t ibang uri ng kanser gaya ng penile cancer o kanser sa titi, at cervical cancer sa mga babae na magiging sexual partners sa hinaharap.
Saan pwedeng magpatuli?
- Karaniwang nagsasagawa ng libreng tuli taon-taon sa municipal clinic o barangay health center. Maaaring magtanong sa inyong munisipyo o barangay o antabayanan ang kanilang announcement.
- Pwede ring magpatuli by appointment sa mga pribadong ospital o clinic malapit sa’yo at magbayad para sa serbisyo.
TIP: Kadalasang nagkakaroon ng programa ng libreng tuli sa mga barangay health centers tuwing papalapit na ang bakasyon mula sa paaralan. Dahil walang pasok, mas may sapat na oras para maghilom ang sugat ng bagong tuli.
TANDAAN: Sa doktor o lisensyadong propesyonal lamang magpatuli para maiwasan ang anumang komplikasyon. Ang tradisyunal na “tuli de pukpok” ay lumang paraan ng pagtutuli na isinasagawa ng nakatatanda sa barrio o albularyo kung saan pinupukpok ng matalim na labaha ang foreskin nang walang gamit na pampamanhid. Mas mataas ang tsansa ng tetanus o impeksyon na maaaring ikamatay dahil hindi nasisiguro na isterilisado ang kagamitan o ligtas ang pamamaraan.
Masakit bang magpatuli?
Ang modernong pagtutuli ay gumagamit ng anesthesia o pampamanhid. May konting kirot sa pagturok ng anesthesia pero kapag tumalab na ang pampamanhid, wala nang mararamdamang sakit habang ginagawa ang operasyon.
Pagkatapos ng operasyon at nawalan na ng bisa ang anesthesia, maaaring makaramdam ng sakit mula sa sugat ng bagong tuli. Pwedeng gumamit ng gamot o pain reliever na ibibigay o irereseta ng doktor para maibsan ang sakit.
Aftercare tips sa bagong tuli
Karaniwang tumatagal ng 1-2 linggo ang paghilom ng sugat. Sundin ang abiso ng doktor sa pag-aalaga ng iyong bagong tuli na ari.
Narito ang general guidelines o mga dapat gawin, iwasan, at tandaan pagkatapos ng operasyon:
- Iwasang mabasa ang sugat sa unang araw pagka-tuli.
- Maaari nang tanggalin ang bendahe o bandage sa ikalawang araw matapos ang operasyon para mapabilis ang paghilom.
- Maingat na linisin ang sugat gamit ng sabon at tubig. Siguraduhing malinis ang kamay bago ito gawin. Huwag gumamit ng hydrogen peroxide o alcohol sa sugat.
- Magsuot ng komportable at maluwag na damit pambaba para maiwasan ang pagkiskis ng sugat sa damit.
- Matulog nang sapat at kumain ng masustansya para makatulong sa paggaling ng sugat.
- Limitahan muna ang pisikal na aktibidad pansamantala. Huwag munang gumamit ng mga laruan na inuupuan o sinasakyan gaya ng bike, carousel, motor racing machine sa arcade, at iba pa.Huwag munang mag-swimming sa pool, dagat, o ilog dahil pwedeng makasama o magdulot ng impeksyon ang chlorine at bacteria na meron dito.
- Ang karaniwang ginagamit sa pagtahi ng sugat sa tuli ay absorbable o dissolvable sutures. Nagsisimula itong matunaw nang kusa sa loob ng 1-2 linggo, at maaaring umabot ng ilan pang linggo bago ito tuluyang mawala.
Bumalik sa doktor kung
- Labis ang pagdurugo. Normal lang makaranas ng konting pagdurugo habang naghihilom ang sugat pero kung masyadong marami ang dugo o hindi tumitigil ang pagdurugo, magpatingin agad sa doktor.
- Lumalala ang pamamaga, may nana, o nilalagnat. Lahat ito ay posibleng sintomas ng impeksyon. Normal lang ang pamamaga ilang araw matapos ang operasyon pero kung hindi ito humuhupa o lumalala, may lumalabas na nana, at nakararanas ng lagnat, magpatingin agad sa doktor.
- May problema sa pag-ihi. Maaaring senyales ng komplikasyon kung hindi maka-ihi sa loob ng 8 oras pagka-tuli, kaya kumonsulta sa doktor.
Huling paalala sa pagpapatuli
- Siguruhing lisensyadong propesyunal ang magsasagawa ng pagtutuli para matiyak ang kaligtasan mo.
- Sundin ang payo ng doktor at seryosohin ang pag-aalaga sa bagong tuli para maayos ang paghilom ng sugat at mapabilis ang pagbalik mo sa’yong normal na gawain.
- Tandaan na ang pagpapatuli ay hindi dapat gawin dahil lang sa peer pressure, pang-aasar, diskriminasyon, o tradisyon. Dapat mong gawin ito ayon sa sariling mong desisyon para sa ikabubuti ng kalusugan mo, batay sa sapat na kaaalaman tungkol dito.