Ano ang Birth Control Injections?

CA21 Injections

Ang birth control injections o DMPA ay isang uri ng hormonal contraceptive. Ini-inject sa iyo ang isang hormone na pipigil sa iyong obaryo na maglabas ng itlog para hindi ka mabuntis. Pinapakapal din nito ang cervical mucus para hindi magtagpo ang semilya at itlog. Ang pagpapa-inject ay ginagawa sa tulong ng isang doktor o nars kada tatlong buwan. Ang effectiveness ng injectables ay mula 97% hanggang 99%.

Para sa’yo ang injectables kung hindi malaking hassle o abala para sa iyo na pumunta kada tatlong buwan sa isang klinika para magpa-inject. Pwedeng pwede rin ito sa mga nagpapasuso o nagpapa-breastfeed. Hindi para sa’yo ang injection kung ikaw ay may sakit sa puso, may high blood pressure, o hika.  .

May mga ospital, health centers, at klinika na nag-i-inject nang libre. Pero ‘wag mag-alala kasi nag-iinject din ng libre ang Ugat ng Kalusugan. Ang kailangan mo lang gawin ay mag book ng appointment.

Mag-book ng appointment sa Ugat ng Kalusugan.

Ano ang Pros at Cons ng pagpapa-inject?

Pros

Mga 97%-99% epektibo ang injectable contraceptives. Apat na injection lang sa loob ng isang taon (isa kada tatlong buwan) ang kailangan para ligtas ka sa pagbubuntis. Pribado rin itong ginagawa.

Cons

Pwedeng maging irregular at mas matindi ang iyong pagreregla sa umpisa. Pero pagkatapos mo ng isang taong pagpapa-inject e kadalasa’y magiging magaan na o baka mawala pa nga ang iyong pagreregla. Normal lang ito at walang masamang epekto sa katawan. May mga babae ring bumibigat ang timbang ‘pag nagpa-inject.

Narito ang ilan pang mahalagang kaalaman tungkol sa injectables:

Masakit ba ang pagpapa-inject?

May mararamdaman kang konting kirot. Pero kayang-kaya mo ito. Ilang segundo lang naman ang itatagal ng pag-i-inject. 

Protektado ba ako sa mga STIs ‘pag nagpa-inject ako? 

Hindi. Posible lang nitong mapigilan na mabuntis ka, pero hindi nito mapipigilan ang pagpasa ng mga nakakahawang sakit sa’yo. Kaya ang pinakamainam talaga ay ang pagpapa-inject at ang paggamit ng condom para doble proteksyon!

Pwede ba akong magpa-inject kahit na ako ay nireregla? 

Pwede naman, walang problema. Ang isang doktor o nars naman ang mag-i-inject sa’yo kaya todong-gabay ang maibibigay nila sa’yo.

Mabubuntis ba akong muli kapag tinigil ko na ang pagpapa-inject? 

Oo naman. Kung wala ka namang ibang health issues o problems na magpapahirap sa’yong mabuntis ay babalik ulit ang kapasidad mong mabuntis kapag itinigil mo na ang pagpapa-inject. Posible ka nang mabuntis mga tatlong buwan mula nang ikaw ay huling magpa-inject.

Pwede ba akong magpa-inject kahit kakapanganak ko pa lang? 

Yes, pwede. Mas mainam na magpa-inject 6 na linggo pagkatapos manganak may regla man o wala. Para sa mga nagpapasuso pwede rin ang injectable,  mas magandang maghintay ka nang hindi bababa sa 6 na linggo mula nang ikaw ay manganak.