Ang STIs o Sexually Transmitted Infections ay mga sakit na naihahawa sa pamamagitan hindi maingat na pakikipagtalik. Napakaraming uri ng STIs at sila ay dulot ng iba’t- ibang mikrobyo na maaaring magdala ng iba’t ibang kumplikasyon na pwedeng humantong sa panghabambuhay na mga komplikasyon.
Ilan lamang ang mga sumusunod na halimbawa ng STIs:
- Gonorrhea o Tulo
- Herpes
- Genital Warts
- Chlamydia
- Hepatitis B
- HIV at AIDS
- At napakarami pang iba
Posible ba akong mahawahan ng STIs?
Kung ikaw ay sexually active, maaari kang mahawahan ng mga STIs. Kung ikaw ay nakipagtalik na involved ang puki, titi, puwit, o bibig na walang ginamit na proteksyon, malaki ang posibilidad na ikaw ay at-risk sa mga sakit na ito.
Ano ang mga sintomas o palatandaan ng STIs?
Narito ang ilan lamang sa mga palatandaan na ikaw ay mayroong STIs:
- Labis na pangangati sa ari at paligid nito
- Pagkakaroon ng mga kulugo sa paligid ng mga parteng ito
- Masakit na pag-ihi
- Mabaho at maberdeng likido na lumalabas sa titi at pekpek
- At marami pang iba
Tandaan: Mahalagang malaman na iba’t iba ang mga sintomas ng bawat STI. At may mga STIs din na walang ipinapakitang sintomas.
Paano ko matitiyak na meron akong STI?
Magpa-konsulta sa iyong doktor o pumunta sa pinakamalapit na public health office. Tiyak na mas matutulungan ka nila. May mga test silang gagawin sa iyo, at isa na rito ang pagsusuri ng iyong dugo o blood testing.
Huwag mag-alala kung ikaw nga ay may STIs. Alam ng iyong doktor, at ng mga health workers, kung ano ang mga nararapat na gamutan para sa iyo. Kung hindi doktor o espesyalista ang mga kaibigan mo, huwag kang maniwala sa kung anu-anong gamot na irerekumenda nila.
Gaano ba kahalaga ang pagpapa-test ng STIs?
Napakahalagang malaman kung tiyak ngang ikaw ay nahawa o hindi ng STIs.
Una, kung sakaling nagpositibo ka nga sa mga STIs, mas maaga mong maaagapan ang sakit na ito sa tulong ng iyong doktor upang hindi na ito humantong sa napakaraming mga komplikasyon at pangmatagalang problema katulad ng pagkabaog, o sa pagkamatay.
Pangalawa, sakali mang mag-negatibo ka sa anumang STIs, mas mapoprotektahan mo na ang iyong sarili at mas tataas na ang iyong kaalaman tungkol sa mga sakit na ito. Mas nanaisin mo nang mas alagaan pa ang iyong sarili.
Paano ako makakaiwas sa mga STI?
Napakarami ring mga paraan upang hindi ka mahawa ng STIs. Narito ang ABCs upang makaiwas sa mga ito:
- 3Cs: Correct and Consistent Condom use. Ang tama at palagiang paggamit ng proteksyon (condom) ang isa sa pinakamabisang paraan upang makaiwas sa STIs. Dalawang bagay ang ginagawa ng condom: una, maiiwasan nito ang hindi planadong pagbubuntis, at pangalawa, posibleng poproteksyunan ka nito mula sa mga sakit.Para sa mas malalim na kaalaman tungkol sa paggamit ng condom, i-click ang link na ito.
- Abstinence: Pag-iwas o pagpapaliban ng pakikipagtalik. Ang sex o pakikipagtalik ay isang malaking responsibilidad. Gagawin mo lamang ito kung handa ka na at alam mo na kung ano ang maaaring kahinatnan nito pagkatapos. Tiyak na hindi ka mahahawa ng STI kung hindi ka pa nakikipagtalik.Alamin nang husto ang mga bagay na may kinalaman sa sex, tulad ng iyong katawan at pakikipagrelasyon saka tanungin ang sarili kung handa ka na bang makipagtalik o hindi pa.
Palawakin ang iyong kaalaman patungkol sa mga bagay na may kinalaman sa mga STIs. Ililigtas ka ng iyong nalalaman!
Magtanong sa eksperto at sa mga taong maaring tumulong sa iyo.