Alam mo bang ang bawat tao ay may iba’t-ibang konsepto ng pakikipagtalik? Malamang na ang alam mo pa lang ngayon e yung klase ng pakikipagtalik kung saan ang ari ng lalaki ay nasa loob ng ari ng babae (vaginal sex). Pero sa katunayan ay may mga iba pang klase ng pagtatalik, tulad ng:
- Oral sex (bunganga sa ari)
- Anal sex (ari ng lalaki sa butas ng puwitan)
- Fingering, hand jobs, at masturbation (daliri at kamay sa ari at paggamit ng sex toys)
Kahit ano pang klase ng pakikipagtalik ang trip mo, ‘wag na ‘wag mong kalimutan na ang pakikipag-sex ay may kaakibat na responsibilidad. Dapat mong alamin ang mga pwedeng mangyari sa’yo bago ka sumabak sa laban: posible ka kayang mabuntis? Mahahawaan ka kaya ng sakit na naihahawa sa pakikipagtalik o sexually transmitted infections (STIs)? Komportable at gusto mo ba talagang makipagtalik? Pwede kang umoo, pwede kang humindi, pwede kang tumigil, at lalung-lalo na pwedeng magbago ang iyong isip.
Napakaimportante ang pakikipag-usap sa ‘yong partner ‘pag may balak na kayong magtalik dahil ang katawan at kalusugan mo, pati na rin ng partner mo, ang nakasalalay dito! At tandaan na ‘wag kalimutang gumamit ng contraceptives para ligtas ka at ang iyong partner mula sa sakit at ‘di planadong pagbubuntis!
Ano ang oral sex?
Kapag ginamit mo ang bunganga mo para ma-stimulate mo ang ari ng iba, ‘yan ang oral sex. May mga iba na gusto ito, may mga iba naman na hindi. Ano ka man sa dalawa, ok lang. Nasa sa’yo ‘yan kung sa anong klase ng pagtatalik ka komportable. At tulad ng ibang klase ng pagtatalik, dapat alam mo at ng iyong partner kung ang oral sex ba ay para sa inyo o hindi.
Hindi mabubuntis ang isang babae sa oral sex, pero ang oral sex na walang proteksyon ay posibleng magbigay sa’yo at sa’yong partner ng STIs! Kaya paulit-ulit naming sasabihin na always practice safe sex. ‘Wag mong hayaan ang kahit na anong klase ng sakit na nakawin ang iyong magandang kinabukasan.
Ano ang anal sex?
Kapag naman ang ari ng lalake ay nakapasok sa butas sa may puwitan ng isang lalake o babae, ‘yan ang anal sex. Anal na galing sa salitang anus, yung labasan ba ng dumi ng tao. Tulad ng oral sex, ang pag-a-anal sex ay depende sa kagustuhan ng isang tao. May mga taong gusto ito, may mga tao rin namang hindi, so ‘wag kalimutang makipag-usap sa’yong partner bago sumabak sa laban! Walang karapatan ang iba na pilitin kang gawin ang mga bagay na ‘di mo gusto.
Dahil ang anus ng isang tao ay walang natural na lubricant o pampadulas ‘di tulad ng vagina, posibleng maging kakaiba sa pakiramdam at paminsa’y maging masakit ang pag-a-anal sex. Kaya dapat kang gumamit ng lubricant ‘pag gusto mong subukan ang ganitong klase ng pagtatalik para iwas aray! Pwede mo rin itong mabili sa mga botika at convenience stores. May ibang health centers at facilities din na ipinamimigay ito nang libre.
Hindi ka mabubuntis sa pag-a-anal sex, pero mas mataas ang tyansa na mahawaan ka ng STI, kasama na dun ang HIV, kung gagawin mo ito nang walang proteksyon. So ‘wag kalimutang gumamit ng contraceptives tulad ng condoms!
Paano ba nagtatalik ang lalake-sa-lalake at babae-sa-babae? Normal ba ito?
Ilan sa pwedeng gawing pagtatalik ng lalake-sa-lalake ay anal at oral sex. Vaginal sex, fingering, at oral sex naman ang ilan sa mga pwedeng gawin ng babae-sa-babae. At oo, normal lang gawin ang mga ganitong klase ng pagtatalik, kasing normal lang din ng vaginal sex.
Dapat bang kausapin ko ang aking mga magulang, kaibigan, guro, at iba pa tungkol sa pakikipagtalik?
Oo naman, lalo na’t ‘pag wala ka pang karanasan sa pagtatalik. ‘Di hamak naman na mas maraming alam ang iba kesa sa’yo pagdating sa usaping sex. Tulad nga nang nasabi namin, may kaakibat na responsibilidad ang pagtatalik, kaya dapat alam mo ang pinapasok mo bago mo ito gawin.
Pero makipag-usap ka lamang sa taong talagang pinagkakatiwalaan mo at sa tingin mo’y maiintindihan ka at mabibigyan ka talaga ng tamang payo tungkol sa sex, reproductive health, at iba pa. Kung sa tingin mo ay ligtas na pag-usapan ang pakikipagtalik sa iyong mga magulang, for example, okay lang din yun. Alam naming nakakahiya sa umpisa na pag-usapan ang pakikipagtalik sa inyong bahay, pero konting tapang lang. Posible kasi itong maging oportunidad para sila ay matuto sa’yo at matuto ka rin sa kanila. Para unti-unti nang mawala ang hiya-hiya tuwing pag-uusapan ang sex at iba pa!
Sa anong edad kadalasang nakikipagtalik sa unang pagkakataon ang isang tao?
Huwag kang ma-stress kung nakikipagtalik na ang iba mong mga kakilala. Ang pagdedesisyon na makipagtalik sa unang pagkakataon ay isang importante at personal na desisyon na ikaw lang ang makakagawa. Kaya hindi porket ginagawa na ng iba ay dapat mo na din itong gawin.
Ang pakikipagtalik bilang isang teenager ay isang normal na bahagi ng human development. At ayon sa isang ulat mula sa Guttmacher Institute, ang average na edad ng unang pakikipagtalik ay nasa paligid ng 17 taong gulang, na may humigit-kumulang 70% ng mga tinedyer na nakipagtalik sa edad na 19.
Ang iyong mga personal na paniniwala, mga taong nakapaligid sa’yo, mga kagustuhan sa buhay, at iba pa ay pwedeng makaimpluwensiya sa iyong desisyon kung makikipagtalik ka na ba o hindi pa. Pero eto ang importante: dapat handa ka na talaga bago ka makipagtalik, at ito ay darating sa tamang panahon. Kaya matuto tayong lahat na maghintay!
Masakit ba ang unang beses na pakikipagtalik?
Posibleng makaramdam ng sakit at makaranas ng pagdurugo ‘pag ang isang babae ay nag-vaginal sex sa unang pagkakataon. Pero pwede (at dapat!) itong iwasan kung may mangyayari munang foreplay o ang pag-stimulate sa ari para ma-relax at maging mas madulas ang ari. Pwede rin gumamit ng water-based lubricant para makatulong sa foreplay.
‘Eto lang ang medyo ‘di patas: walang sakit na mararamdaman ang isang lalaki ‘pag pinasok niya ang ari niya sa ari ng babae sa unang pagkakataon, pwera na lang siguro kung walang masyadong lubrication o sadya lang talagang may maling nangyayari. ‘Wag mahiyang magpatingin sa isang doktor ‘pag ikaw ay nakakaramdam ng sakit sa tuwing ikaw ay nakikipagtalik. Mabuti na ang sigurado!
Posible bang hindi magkasya ang ari ng isang lalaki sa ari ng isang babae?
Posible, pero bihirang-bihira! Isipin mo na lang na ang ari ng isang babae e nagluluwal ng isang baby! Ang vagina e mula 3 hanggang 7 inches ang haba, pero posible pa itong humaba tuwing ikaw ay mag-va-vaginal sex o manganganak.
Posible ba akong mabuntis ‘pag isinuko ko na ang Bataan?
Posibleng-posible. Pwedeng mabuntis ang isang babae basta makapasok ang kahit isa lang na semilya ng isang lalake sa vulva o vagina ng isang babae. Hindi mahalaga rito kung unang beses mo pa lang makipagtalik o kung may experience ka na sa pagtatalik. Kaya nga marami ang gumagamit ng contraceptives tulad ng condoms para maiwasan ang maaga at ‘di handang pagbubuntis.
Malandi, pokpok at madumi daw akong tao kasi hindi ako virgin. Bakit ganito?
Nakakalungkot na marami pa rin sa ating lipunan ang may pagtingin na ang pagkatao at dignidad ng isang tao e nakadepende sa kung siya pa ba ay virgin o hindi na. Uulitin namin: virgin ka man o hindi, ikaw ay mahalaga. Importante. At may dangal. Walang karapatan ang iba na maliitin ka o iparamdam sa’yo na mas mababa kang klase ng tao dahil lang ikaw ay nakipagtalik na.
Alam ko ba kung paano mapoprotektahan ang sarili ko at ang partner ko bago ako makipagtalik?
Ang vaginal, oral at anal sex, pati na rin ang paghawak sa ari, ay posibleng magbigay sa’yo ng STI. Pwede ka namang mabuntis sa vaginal sex. Ang paggamit ng contraceptives ay ang magproprotekta sa’yo laban sa ‘di handang pagbubuntis, at ang condoms naman ay proteksyon mo laban sa STI at pagbubuntis.
Itanong mo sa sarili mo ang mga sumusunod na tanong:
- Alam mo ba kung paano mo maproprotektahan ang sarili mo laban sa STIs?
- Mayroon ba akong condoms, at alam ko ba kung paano ito gamitin?
- Alam ko ba kung paano ako hindi mabubuntis?
- Paano ko haharapin ang pagkakaroon ng STI o biglaang pagbubuntis?
- Handa ba akong pumunta sa isang doktor para magpa-STI test o mag-birth control?
- Kinausap ko na ba ang aking partner tungkol dito?
Parang lahat naman ay nakikipagtalik na so dapat ba e makipagtalik na rin ako?
Kaya nga “parang” kasi ikaw mismo e ‘di sigurado. Oo, nagtatalik na ang mga kabataang Pilipino ngayon, pero hindi lahat. Hindi mo kailangang gumaya o sumunod sa iba. Katawan mo ‘yan, iisa lang ‘yan, at may responsibilidad kang alagaan ‘yan. Kung ikaw ay mabuntis nang ‘di ka pa handa o mahawaan ng STI, ikaw ang magdurusa sa huli, hindi sila. May sarili kang isip at kapangyarihan na magdesisyon para sa sarili mo na hindi nakadepende sa ginagawa ng iba.
Hindi ka pa handa kung ang iyong mga naiisip na rason kung bakit gusto mo nang makipagtalik ay ang mga sumusunod:
- Ako na lang ang virgin sa aming barkada, kaya sasabak na ako! Let’s do this!
- Iiwanan ako sa kangkungan ng aking boyfriend o girlfriend ‘pag ‘di ako nakipagtalik sa kanya.
- Sisikat ako ‘pag ako’y nakipagtalik na, yahoo!
- Mas magiging mature ako o ‘di na ako itratratong parang bata ‘pag nakipag-sex na ako.
Ano ba ang mas ligtas na pakikipagtalik?
Mabuti naman at curious ka tungkol dito! Masasabi nating mas ligtas ang pagtatalik kung meron kang mga gagawing hakbang para mas mapababa ang tsansa mo na makakuha ka ng STIs o mabuntis ka nang ‘di handa.
Mas mataas ang tsansa mong makakuha ng STIs ‘pag ikaw ay nag-vaginal o anal sex. Heto ang mga paraan para mas maging ligtas ang iyong pagtatalik:
- Para sa vaginal sex, gumamit ng birth control at condoms
- Para sa anal sex, gumamit ng condom at lubricant
- Para sa oral sex, gumamit ng condom para sa ari ng lalaki o plastic na takip para naman sa ari ng babae
- Magpa-test kung meron kang STI
Walang klase ng pagtatalik sa ibang tao na talagang garantisadong 100% ligtas. Posibleng may STI ka na pala, ‘di mo lang alam. ‘Yan ay dahil ang ilan sa mga STIs hindi agad nagpapakita ng sintomas. At may tsansa pa ding mabuntis ka kahit na gumamit ka ng contraceptives kung hindi mo naman ito ginamit nang tama.