Ang pakikipagtalik, o paggawa ng ano mang sekswal na aktibidad, ay isang espesyal na karanasan sa buhay ng isang tao. Higit na makakabuti kung ang makakasama mo ay isang taong pinahahalagahan mo.
Mahirap magdesisyon kung kelan at kung handa ka na bang makipagtalik. At kahit ano pa mang sabihin ng iba, kayong dalawa lang ng kapareha mo ang makakaalam kung handa na ba kayo.
Tanungin muna ang sarili kung:
- Ano ang nararamdaman mo para sa taong iniisip mong makakatalik mo? O, ano’ng nararamdaman niya para sa ‘yo?
- Mabait ba ang taong ‘yon sa ‘yo?
- Iginagalang ka ba n’ya?
- Hangad niya bang mapabuti ka?
- Ano sa tingin mo ang mararamdaman mo pagkatapos?
- Mag-aalangan ka ba, o mas magiging malapit kayo at gustong pangangalagaan ang isa’t isa?
Oras na maramdaman ng dalawang taong handa na silang makipagtalik, marami pa ring kailangang pag-usapan gaya ng sexual history ng bawat isa, dahil kung isa sa inyo ay naranasan nang makipagtalik, mabuting magpa-test muna para sa STI o HIV. Mahalaga ring pag-usapan ang paggamit ng proteksyon o contraceptives. At higit sa lahat, mahalagang pag-usapan kung ano’ng kaya n’yong gawin at hindi gawin sa pakikipagtalik para alam ninyo ang limitasyon ng bawat isa.
Kaya ang sagot sa tanong na “Handa na ba ako?” ay maaaring oo o hindi. Ang pinakamahalaga, maghintay hanggang 100% ka nang sigurado. Mahaba ang buhay. Darating din ang panahon mo at pagdating no’n, magiging handa ka na.
Sa tulong ng Austrian Embassy Manila, mayroon na tayo ngayong mga libre at tamang impormasyong tungkol sa sexual at reproductive health — sa wikang mas pamilyar sa atin– sa pamamagitan ng mga Amaze.org videos na isinalin sa Tagalog!
——————
I-like, i-share, at mag-subscribe sa Ugat ng Kalusugan Youtube Channel para updated ka sa mga bagong videos.