Alam mo ‘yung hindi naman official na niloloko ka pero parang may something na off? Yung parang may extra sa kilos ni jowa na hindi naman dapat? Ayun, welcome sa mundo ng microcheating!
Sa panahon ng unlimited likes, heart reacts, at “Good morning 😘”, paano mo nga ba malalaman kung simpleng pagiging friendly lang o microcheating na?
Ano ang microcheating?
Ang microcheating ay ang mga maliliit na kilos na hindi pa full-blown pagtataksil pero may bahid ng pagiging hindi tapat. Hindi ito halata sa una, pero kapag sinuma mo lahat ng maliliit na bagay—ayan na, parang puzzle na nabuo. Kasama dito ang:
- Pagde-delete ng chat history para ‘di makita ng partner
- Pagsisinungaling kung sino ang kausap o kung bakit palaging online
- Palihim na pag-view at pag-react sa posts ng isang “friend”
- Paggamit sa iba ng pet name o inside joke na kayong dalawa lang ang nakakaalam
- Sobrang paglalambing sa ibang tao na hindi naman dapat
- Palihim na pakikipag-usap sa ex-partner
Mali ba ito?
Isang sign ng healthy relationship ay ang pagiging honest at transparent sa isa’t isa–magkasama man o hindi, online man o offline. Kaya ang “maliit” na patagong gawain na pwedeng sabihing “harmless” ay maaaring pagsimulan ng mas malaking problema tulad ng trust issues o kawalan ng tiwala sa isa’t isa.
Marami ang nagsasabi, “Eh, wala namang nangyari!” Pero ang tanong: kung wala talagang mali, bakit itinatago? 🤔
Mahalagang tandaan na hindi isyu sa microcheating kung may nangyari o wala. Ang mas dapat na tignan dito ay ang isyu ng paglabag sa boundaries na katanggap-tanggap sa isang relasyon.
Ang konsepto ng microcheating ay pwede ring subjective o depende sa magkarelasyon kaya mahalaga na mayroong napagkasunduan na limitasyon sa bawat isa tungkol sa mga bagay na dapat at hindi dapat ginagawa ng isang taong may partner.
Kapag hinayaan na ang isang tao ay mag-microcheat, maaaring maging “trial version” ito ng mas malalang cheating. Patikim kumbaga ng mas malaking pagtataksil. Kaya dapat itong tugunan para hindi maging mitsa ng di pagkakaunawaan at pagkasira ng relasyon.
Anong dapat gawin para maiwasan ang microcheating?
Ang microcheating ay parang maliit na crack sa baso—kapag hinayaan mo, tuluyan itong mababasag. Para maiwasan ito, kausapin si partner sa umpisa palang tungkol sa terms at mag-negotiate. YES! Hindi lang sa business applicable ito, dapat sa relasyon din kasi “partnership” din ito.
Kapag pumasok ang dalawang tao sa isang relasyon, may magkakaibang expectations na dapat na ilatag, pag-usapan, at pagkasunduan para malinaw ang rules at boundaries. Pwedeng kasama rito ay ang pagtatanong kung ano ang tingin ng bawat isa sa mga sumusunod:
- Pakikipag-flirt sa ibang tao personal man o online (kasama na ang pakikipagchat at pagha-heart ng mga posts)
- Pakikipag-usap sa ex
- Pagkakaroon ng crush sa iba
Marami pang pwedeng ibang limitations na dapat pag-usapan na depende na sa magkarelasyon (halimbawa: usapin ng pera, trabaho, relihiyon, sexual activity, pagkakaroon o pagpapalaki ng anak). Basta ang mahalaga ay mapag-usapan ito nang direkta at bukas. Dapat willing ang bawat isa na sundin ito o balikan at suriin ito ulit kung kailangan para happy heart lang!
Mga huling paalala
Kung nararamdaman mong may sketchy na kilos sa relasyon niyo, kausapin agad si jowa. Linawin ang mga bagay sa kalmadong paraan bago lumala. Ngunit tandaan: hindi mo kailangang maging overly jealous, pero may limitasyon ang pagiging “understanding.” At syempre, sa isang relasyon, mahalaga na alam mo ang worth mo. Ang hindi pag-tolerate ng cheating, micro man yan o macro, ay isang form ng self love.
Sa huli, ang tapat na pagmamahal ay hindi dapat sinusubok, kundi pinapangalagaan. 💕