Dalaga ka na! Sabay nating tuklasin ang mga nakaka-excite na mga pagbabago sa iyong katawan ngayong ikaw ay nagdadalaga na.
Ang pagdadalaga ay isang napakahalagang yugto sa buhay ng isang babae. Ito ang panahon kung kailan nagta-transition ang isang batang babae patungo sa adulthood. Sa English, ang tawag sa panahong ito ay puberty in females.
Ano ba ang Puberty?
Ang puberty stage ng isang babae ay ang mismong pagdadalaga. Dumadaan din ang mga lalaki sa puberty stage, at ang tawag naman dito ay ang pagbibinata.
Ito ang panahon kung kailan makakaramdam ka ng mga pisikal at emosyonal na pagbabago para ihanda ang iyong katawan sa pagiging isang adult. Isa itong tanda na hindi ka na bata, hindi ka na bagets, hindi ka na si neneng. Nagma-mature ka na at malapit mo nang marating ang hustong gulang.
Tandaan: Normal na stage ng buhay ang puberty. ‘Wag kang mag-alala kasi ang lahat ng tao ay dumadaan sa stage na ito.
Kailan ako magsisimulang magdalaga?
Kadalasang nagsisimulang magdalaga ang mga babae sa pagitan ng edad na 8 at 13. Pero dahil iba-iba ang mga tao, posibleng mapaaga o mahuli ang pagdadalaga ng ibang kababaihan. May mga nagdadalaga nang mas maaga pa sa 8 years old. At meron ding mga babaeng 13 years old na pero hindi pa ring nagdadalaga. Normal pa rin ito!
Ano ang mga pagbabagong mangyayari sa katawan ko kapag nagsimulang magdalaga?
Ilan sa mga ito ang naranasan mo na?
- Paglaki ng suso.
- Pagtubo ng buhok sa ibang parte ng katawan.
- Pagkitid ng baywang at paglapad ng balakang.
- Biglaang pagtangkad.
- Mas maamoy na katawan.
- Pagbabago ng tunog ng boses.
- Pagkakaroon ng regla.
Lumalaki na ang aking suso. Ano na ang gagawin ko?
Ang paglaki ng suso ay isang maagang senyales ng pagdadalaga sa mga kababaihan. Panahon na para subukan mong magsuot ng bra! Malamang ay wala ka pang masyadong alam tungkol dito kaya ‘wag mahiyang magtanong kay nanay o kay ate para matulungan ka nilang makahanap ng bra na swak at komportable para sa’yo.
Bigla ba akong tatangkad at lalaki ang aking katawan?
Oo. Kadalasang nagsisimula ang pagtangkad ng mga nagdadalagang katulad mo sa edad na 9 years old. Ang laki ng iyong itatangkad ay kadalasang nakadepende sa kung gaano katangkad ang iyong magulang. Posible ring mas madalas kang makakaramdam ng gutom kasi mas aktibo ka na at mas kailangan mo ng extra energy para sa nagmamature mong katawan. Kaya ‘wag gutumin ang sarili!
Bakit mas madalas nang mangamoy ang aking katawan?
Iyan ay dahil sa mas maraming hormones na ginagawa ng iyong katawan para tulungan kang lumaki. Dalawa sa mga hormones na ‘yan ay ang estrogen at progesterone. Ang pagkakaroon ng amoy o body odor ay kadalasang dahil sa pawis at bacteria. Kaya panatilihin mo lang malinis ang iyong katawan sa palagiang pagligo at paggamit na rin ng deodorant.
Kailan ako tutubuan ng buhok sa ibang parte ng aking katawan?
Posible ka nang simulang tubuan ng buhok sa kilikili, binti, at sa paligid ng iyong ari, o bulbol, kapag ikaw ay nagsimula nang magdalaga. Mas kakapal din at posibleng kumulot ang mga buhok na tutubo sa mga parteng ito ng iyong katawan. Mag-ingat lang kung gusto mong mag-ahit para iwas sugat! Kung ‘di ka pa sanay mag-ahit ay ‘wag mahiyang humingi ng tulong sa iyong mga magulang o nakakatandang kapatid.
Bakit ako nagkakatigyawat?
Dahil ulit ‘yan sa pagbugso ng hormones, pawis at bacteria. Mapapansin mo ring parang mas oily sa pangkaraniwan ang iyong mukha. Ito ay dahil sa mas aktibo na rin ang iyong mga oil glands. ‘Wag kang mag-alala kasi kayang-kayang kontrolin ang tigyawat basta panatilihin mo lang malinis ang iyong mukha at katawan. Ang iba ay hinuhugasan lang ng tubig ang kanilang mga mukha at ang iba naman ay bumibili ng facial wash na hiyang sa kanila. Huwag mo ring basta-bastang gagalawin o puputukin ang iyong mga tigyawat dahil posibleng lumala pa ang mga ito. Kung talagang malala ang iyong tigyawat, huwag mag-atubiling kausapin ang iyong mga magulang para mapatignan ka nila sa isang doktor o dermatologist.
Bibigat ba ang aking timbang?
Maaari itong mangyari. Mas kailangan ng katawan mo ang mas marami pang energy dahil ikaw nga ay lumalaki. Pero huwag puro junk food ang kakainin mo. Balanseng nutrisyon dapat para lumaki kang malusog at malakas ang resistensya mula sa sakit. Samahan mo na rin ng ehersisyo para unti-unti ka nang masanay sa isang aktibong buhay.
Pwede na ba akong mabuntis ‘pag ako’y nagsimula nang magdalaga?
Pwedeng-pwede ka nang mabuntis ngayon ikaw ay nagdadalaga na. Sa nagdadalaga, hindi mo malalaman kailan nago-ovulate o naglalabas ng itlog ang iyong obaryo, tandaan mong ikaw ay nasa stage na ng pagdadalaga at maaaring may lumabas na hinog na itlog anumang oras. Maaari kang mabuntis kapag ikaw ay nakipagtalik at ang iyong itlog ay mapertilisa ng isang sperm galing sa lalaki.
May mga araw na masaya ako tapos bigla na lang akong tatahimik at malulungkot. Bakit ito nangyayari?
Huwag kang magulat kasi parte ng pagdadalaga ang pagkakaroon ng mood swings o pag-iba-iba ng disposisyon. Pwedeng ngayon ay sobrang saya at kwela mo tapos biglang sobrang sensitibo at madamdamin mo naman kinabukasan. Ang pabago-bago ng mood ay dahil na rin sa bugso ng hormones habang ang iyong katawan ay dumadaan sa proseso ng puberty.
Bakit ako nagsisimula nang magkagusto o magka-crush sa ibang tao?
Ang pagkakaroon ng crush ay nagbibigay sa atin na magkahalong maganda at nakakalitong mga damdamin. ‘Yung kumakabog-kabog ang dibdib ‘pag malapit nang dumaan si crush, normal lang na magkaroon tayo ng attraction sa ibang tao, kapareho mo man ng kasarian o hindi. Parte ‘yan ng pagbabagong nangyayari sa iyong katawan habang ikaw ay nagdadalaga. Kung hindi mo pa ito nararanasan o nararamdaman, normal lang din ito!
Tandaan, ang mga pagbabagong nangyayari sa iyong katawan at ugali ay normal na bahagi ng iyong pagdadalaga. Muli, nakaka-excite ang stage na ito ng inyong buhay.