Naks, binata ka na! Nakaka-excite ang stage na ito ng inyong buhay sapagkat ito ang panahon kung kailan masasabi mong, “Hindi na ako bata. Malaki na ako!”
Ang pagbibinata ay isang mahalagang yugto sa buhay ng isang lalaki. Ito ang panahon kung kailan nagta-transition ang isang batang lalaki papunta sa adulthood o hustong gulang. Sa English, ang tawag sa panahong ito ay puberty in males.
Ano ba ang Puberty?
Ang puberty stage ng isang lalaki ay ang mismong pagbibinata. Dumadaan din ang mga babae sa puberty stage, at ang tawag naman dito ay ang pagdadalaga.
Ito ang panahon kung kailan makakaramdam ka ng mga pisikal at emosyonal na pagbabago para ihanda ang iyong katawan sa pagiging isang adult. Isa itong tanda na hindi ka na tsikiting, hindi ka na bagets, hindi ka na si totoy. Lumalaki ka na at malapit mo nang marating ang hustong gulang!
Tandaan: Normal na stage ng buhay ang puberty. ‘Wag kang mag-alala kasi ang lahat ng tao ay dumadaan sa stage na ito.
Kailan ako magsisimulang magbinata?
Kadalasang nagsisimulang magbinata ang mga lalaki sa pagitan ng edad na 10 at 14. Pero dahil iba-iba ang mga tao, posibleng mapaaga o mahuli ang pagbibinata ng ilang lalaki. May mga lalaking nauuna ang pagbibinata, at meron din namang nahuhuli. Alam mo bang may mga nagbibinata na sa edad na 9? Minsan nga ay mas maaga pa. At meron ding mga lalaking 14 years old na pero delayed ang kanilang pag-pu–puberty. Huwag mabahala, normal lang ito!
Ano ang mga pagbabagong mangyayari sa katawan ko kapag nagsimulang magbinata?
Maraming mga pagbabago ang mangyayari sa iyong katawan kapag ikaw ay nagsimula nang magbinata. Narito ang ilan sa mga pagbabagong iyon:
- Paglaki ng iyong bayag at ari. Maaaring natatawa ka, pero asahan mong lalaki yan.
- Pagtubo ng buhok o pubic hair sa mga parte ng katawan kagaya ng sa kili-kili, mukha, at maging sa mga maseselang parte ng iyong katawan.
- Normal ding lumaki at lumalim ang iyong boses.
- Biglaang pagtangkad.
- Mas maamoy na katawan.
- Paninigas ng ari at pagkakaroon ng wet dreams.
Bakit mas madalas nang mangamoy ang aking katawan?
Mas madalas nang mangangamoy ang iyong katawan dahil sa mas maraming hormones na ginagawa ng iyong katawan para tulungan kang lumaki. Ang hormone para sa mga lalaki ay tinatawag na testosterone. Ang pagkakaroon ng amoy o body odor ay kadalasang dahil sa pawis at bacteria. Kaya panatilihin mo lang malinis ang iyong katawan sa palagiang pagligo at paggamit na rin ng deodorant.
Magbabago ang boses mo kapag ikaw ay nagbinata na.
Darating ang panahon na ang iyong medyo matinis o pa-baby na boses ay parang bigla na lang mag-ka-krak. Mas kumakapal na kasi ang iyong vocal cords habang ikaw ay lumalaki, kaya mapapansin mo na lang na unti-unti nang lumalalim ang iyong boses. Kung iisipin mo, mas maganda na rin iyan kaysa naman sa ang boses mo ngayong ikaw ay binata na e katulad pa rin nung boses mo nung ikaw ay 3 years old.
Bigla ba akong tatangkad at lalaki ang aking katawan?
Oo naman! Kadalasang aabot sa 4 pulgada ang itatangkad ng isang nagbibinatang tulad mo hanggang ikaw ay umabot sa edad na 17. Ang laki ng iyong itatangkad ay kadalasang nakadepende sa kung gaano katangkad ang iyong mga magulang. Namamana kasi ang tangkad. Lalaki rin ang iyong mga kamay, ang sukat ng iyong mga paa, at mas magiging malapad ang iyong mga balikat. Posible ring mas madalas kang makakaramdam ng gutom dahil mas aktibo ka na at mas kailangan ng iyong lumalaking katawan ng extra energy. Kaya ‘wag gutomin ang sarili.
Tutubuan ka ng buhok sa iba’t ibang parte ng iyong katawan.
Kapag ikaw ay nagsimula nang magbinata, posible ka nang simulang tubuan ng bigote, buhok sa kilikili, sa dibdib, binti, at sa paligid ng iyong ari o ang tinatawag na bulbol. Mas kakapal din at posibleng kumulot ang mga buhok na tutubo sa mga parteng ito ng iyong katawan. Tandaang mag-ingat kung gusto mong mag-ahit ng buhok para iwas sugat. Kung ‘di ka pa sanay mag-ahit ay ‘wag mahiyang humingi ng tulong sa iyong mga magulang o nakakatandang kapatid.
Bakit ako nagkaka-tigyawat?
Magkakaroon ka ng pimples o taghiyawat dahil sa pagbugso ng hormones, pawis at bacteria.
Mapapansin mong parang mas oily sa pangkaraniwan ang iyong mukha. Ito ay dahil sa mas aktibo na rin ang iyong mga oil glands. Kayang-kayang kontrolin ang tigyawat basta panatilihin mo lang malinis ang iyong mukha. Ang iba ay hinuhugasan lang ng tubig ang kanilang mukha at ‘yung iba naman ay gumagamit ng facial wash products na hiyang sa kanila. Huwag mo ring galawin o putukin ang mga tigyawat mo dahil posibleng lumala ang mga ito. Pero kung talagang malala ang iyong tigyawat ay ‘wag mag-atubiling kausapin ang iyong mga magulang para mapatignan ka nila sa isang doktor o dermatologist.
Posibleng bang madagdagan ang aking timbang?
Posible itong mangyari. Mas kailangan ng katawan mo ang mas madami pang energy dahil nga ikaw nga ay lumalaki! Dahil growing kid ka na, bibigat din ang iyong timbang. Pero tandaang huwag kakain ng puro junk foods. Balanseng nutrisyon ang nararapat para lumaki kang malusog at malakas ang resistensya mula sa mga sakit. Samahan mo na rin ng ehersisyo para unti-unti ka nang masanay sa isang aktibong buhay.
Pagkagising ko isang umaga ay may napansin akong malagkit na likido sa dulo ng aking ari. Ano ito?
Nagbibinata ka na nga. Ang tawag sa paglabas ng malagkit na likido na ‘yan ay wet dream. Ang katawan mo kasi ay gumagawa na ng testosterone na siyang hudyat na kaya mo nang maglabas ng sperm o semilya. Ang likidong lumabas mula sa iyong ari ay may sperm na pwedeng makabuntis at ito’y kadalasang lumalabas sa’yong ari kapag ikaw ay tulog. Mas madalas na kasing titigas ang iyong ari kapag ikaw ay nagsimula nang magbinata. Pwede kang magka-wet dream kung sakaling magkaroon ka ng panaginip na may kinalaman sa pagtatalik o sadya lang madami nang nagawang sperm ang iyong bayag kaya kailangan na itong mailabas.
Normal lang ba ang pagbabate o pagma-masturbate?
Oo, normal na normal ang pagbabate o pagma-masturbate. Ikaw ay nasa yugto ng iyong buhay kung saan inaalam mo pa ang iyong nagbabagong katawan at sekswalidad, kaya okay lang magbate, basta hindi ito nakakasagabal sa mga pang-araw-araw mong gawain.Ginagawa mo man ito o hindi ito ay normal lang.
Bakit parang napapansin kong madalas nagiging paiba-iba ang aking disposisyon o mood?
Huwag ka nang magulat kung magkaroon ka ng mood swings o pag-iba-iba ng disposisyon; parte rin ito ng pagbibinata. Pwedeng ngayon ay sobrang saya at kwela mo tapos biglang sobrang sensitibo at madamdamin ka naman mamaya o kinabukasan. Ang pagbagu-bago ng mood ay dahil na rin sa bugso ng hormones habang ang iyong katawan ay dumadaan sa proseso ng puberty.
Bakit ako nagsisimula nang magkagusto o magka-crush sa ibang tao?
Normal na normal ding magkaroon ng crush. Ang pagkakaroon ng crush ay nagbibigay sa atin na magkahalong maganda at nakakalitong damdamin. Kakabog-kabog ang ‘yong dibdib kapag malapit si crush, huwaw. Normal na magkaroon tayo ng attraction sa ibang tao, kapareho mo man ng kasarian o hindi. Parte iyan ng pagbabagong nangyayari sa’yong katawan habang ikaw ay nagbibinata. Kung hindi mo pa ito nararanasan o nararamdaman, normal lang din ito!
Tandaan, ang mga pagbabagong nangyayari sa iyong katawan at ugali ay normal na bahagi ng iyong pagbibinata. Muli, nakaka-excite ang stage na ito ng inyong buhay.