Ang masturbation, o pagpapasaya sa sarili, ay paghawak o paghaplos sa mga bahagi ng katawan para sa sexual pleasure. Tinatawag din itong pagsasalsal o pagbabate. Kaugnay sa pag-explore ng isang tao sa kanyang sariling katawan ang masturbation, ngunit maaari ring mangyari ito sa pagitan ng dalawang tao (o mutual masturbation).
Halos lahat ng tao ay nagbabate at nagsasalsal. Single ka man, in a relationship, kahit na ano pang gender o lahi. Kahit nga ang ilang hayop ay naobserbahang nagma-masturbate din. May mga taong isang beses lang ito ginagawa sa isang araw, ang iba naman ay dalawang beses o minsa’y higit pa. Basta huwag lang sobra-sobra.
Normal ba ang pagma-masturbate?
Hindi masama at lalong hindi krimen ang pagma-masturbate, basta’t gagawin ito sa pribadong lugar. Normal na normal lang ang pagbabate at pagsasalsal. Ngunit okay rin naman kung hindi mo ito gustong gawin. Nasa iyo iyan.
Ngayon, hindi ka abnormal kung sakaling ‘di ka nagma-masturbate kahit na ginagawa pa ito ng halos lahat ng tao. Hindi kabawasan sa iyong pagkatao ang hindi pagma-masturbate. At tulad ng pagtatalik, walang karapatan ang iba na pilitin kang mag-masturbate. Ang paggawa o hindi paggawa nito ay depende sa’yo.
Pwede ba akong magkaroon o mahawa ng sakit kapag ako’y nag-masturbate?
Isang mainam na paraan ng pakikipagtalik ang masturbation kung ayaw mong mahawaan ng STIs. Pero ibang usapan na kapag magma-masturbate ka gamit ang sex toy na ginamit na rin ng iba.
Huwag mong kalimutan na may mga ilang sex toys na ipinapasok sa loob ng katawan ng isang tao. Kung ito man ang mga klase ng sex toys na gusto mong gamitin, huwag mong kalimutang protektahan ang mga sex toys mo sa tuwing gagamitin mo ito tulad ng pag-protekta mo sa iyong ari. Maari ka ring gumamit ng condom habang gumagamit ng sex toys.
Ano ang gagawin ko kapag nahuli akong nagma-masturbate?
Ang pag-ma-masturbate ay ginagawa nang pribado, kaya naiintindihan namin kung may matinding hiya kang mararamdaman kung sakaling ikaw ay mahuli sa gitna ng iyong umaatikabong aksyon. Huwag kang mag-alala. Makaka-recover ka rin sa hiyang iyan.
Pwede mo rin itong gamitin bilang oportunidad na kausapin ang kung sino man ang nakahuli sa’yo na pag-usapan ang privacy, masturbation, pakikipagtalik, reproductive health at iba pa para matanggal na ang hiya-hiya at maging normal na lamang sa inyo na pag-usapan ang mga paksang ito.
Ang sabi sa relihiyong pinaniniwalaan ko ay masama ang mag-masturbate. Paano ngayon ito masasabing normal?
Kung ang sinasabi talaga sa relihiyong pinaniniwalaan mo ay masama ang masturbation ay dapat natin itong irespeto. Pero masasabi pa rin naming normal ang pag-ma-masturbate dahil hindi naman kami isang religious organization at hindi namin tinitignan ang masturbation mula sa isang relihiyosong anggulo. Para sa amin e isa lang itong normal na activity sa buhay ng isang tao, kasing normal ng pagsisipilyo o pagtulog!
Nakita kong nagmamasturbate ang anak kong maliit pa. Normal ba ito? Anong gagawin ko?
Normal lang sa mga bata (at kahit sanggol) na i-explore ang sarili nilang katawan. Wala itong malisya sa kanila. Kung sakaling makita mo silang ginagawa ito, huwag silang pagalitan o ipahiya dahil pwede itong makaapekto sa kanilang sexual development paglaki nila. Sa halip na pagalitan, kausapin ang anak nang masinsinan at sabihing sa pribadong lugar lang ito dapat ginagawa.