Minsan ba napatigil ka na upang pansinin kung paano inilalarawan ng media ang pagiging “tunay na lalaki”? Sa mga pelikula, serye, anime, at maging sa social media, madalas nating makita ang imahe ng lalaking palaban, matigas, hindi umiiyak, at dominante—at bilang lalaki, kapag hindi mo ito sinunod, may posibilidad na mabansagan kang “mahina” o “hindi tunay na lalaki.”
Mula action films hanggang romcoms, malaki ang papel ng media sa paghubog ng pananaw natin sa pagiging “lalaki.” Ang mga sikat na aktor at influencers ang nagiging huwaran natin kung paano dapat kumilos, magsalita, at umasta. Pero tama ba ito? Di kaya nililimitahan ng mga stereotype na ito ang mga unique na personalidad ng mga lalaki at nagiging sanhi ng toxic masculinity?
The “Bad Boy”
Isa sa mga pinaka-iconic na imahe ng pagiging lalaki sa pelikulang Pilipino ay ang “bad boy” – wala siyang takot at laging handang lumaban. Si Robin Padilla, na tinaguriang “Bad Boy of Philippine Cinema,” ay naging simbolo ng ganitong stereotype. Sa mga pelikulang tulad ng Maging Sino Ka Man (1991), ipinakita niya ang isang lalaking matapang, brusko, at hindi nagpapatalo—ngunit sa kabila nito, ay may soft spot para sa babaeng kanyang iniibig.

Photo grabbed from: IMDB.com
Sa ganitong hubog din pumatok ang primetime bida na si Coco Martin sa Ang Probinsyano (2015 – 2022) at Batang Quiapo (2023 – present) na tila imortal at laging sumasabak sa peligro.
Ang problema? Ang ganitong imahe ay maaaring magdikta na ang pagiging lalaki ay pagiging agresibo, galit sa kahinaan, at laging nasa dominanteng posisyon. Sa tunay na buhay, hindi naman kailangang maging barako o maton para lang masabing tunay kang lalaki.
The “Alpha Male Lover Boy”
Kung ang “bad boy” ay malakas sa suntukan, ang “alpha male lover boy” naman ay malakas sa harutan. Sa mga romcoms at youth-oriented shows, siya ang tipo ng lalaking misteryoso, confident, at may dating. Si Daniel Padilla, halimbawa, ay kilala sa mga karakter niyang medyo mayabang pero laging charming—lalo na sa She’s Dating the Gangster (2014). Hindi siya palaban sa pisikal na paraan, pero bihag niya lagi ang puso ng babae. Madalas ay cool lang siya, hindi masyadong nagpapakita ng emosyon, pero laging in control sa relasyon. Sa media, parang siya yung ultimate crush—hindi needy, laging chill, at effortless ang dating.

Photo grabbed from: sssip.wordpress.com
Pero dahil sobrang sarado ng emosyon niya, minsan hindi na rin niya alam paano talaga makipag-relasyon. Oo, may romantic arc siya sa kwento—pero sa totoong buhay, kulang siya sa empathy, communication, at emotional maturity para maging mabuting partner.
Kaya paano naman ang mga lalaking mas sensitibo, mas vocal sa feelings nila, o hindi ganito ka-“cool guy” ang personality? Hindi ba sila tunay na lalaki sa paningin ng media?
The “Strong and Silent Type”
May isa pang stereotype ng lalaki sa media na para bang malakas at matatag—pero sa totoo lang, tahimik lang siya kasi hindi siya marunong (o ayaw) mag-open up. Ito yung tipo ng lalaking laging okay o kaya naman masayahin sa paningin ng iba, pero sa loob-loob ay punong-puno ng pressure, stress, at problema. Hindi dahil wala siyang nararamdaman, kundi dahil natutunan niyang itago ang lahat para ‘di siya magmukhang mahina.
Makikita ito sa mga karakter tulad ni Alden Richards sa Hello, Love, Goodbye (2019)—isang lalaking inako ang pagiging sole bread winner sa kanilang pamilya. Sa labas ay mukha siyang happy-go-lucky at walang pangarap, pero habang tumatagal ang movie, makikita nating may mga pangarap siyang hindi niya makamit dahil sa bigat ng responsibilidad niya bilang OFW sa Hong Kong. Halos hindi niya masabi ang tunay niyang nararamdaman o pinagdadaanan dahil sa paniniwalang siya ang dapat umako ng lahat. Ganon din si John Lloyd Cruz bilang Popoy sa One More Chance (2007)—todo kayod, gustong ayusin lahat, pero hindi marunong makipag-usap tungkol sa emotional burdens niya. Sa huli, nagka-crash din ang relasyon nila dahil sa kakulangan ng communication.

Photo grabbed from: SPOT PH
Pero ‘pre, tandaan mo: hindi ka mas lalaki dahil kaya mong tiisin mag-isa ang problema mo. Hindi kahinaan ang humingi ng tulong, magkwento, o umamin na pagod ka na. Ang tunay na lakas ay nasa kakayahang kilalanin ang sarili mong limitasyon—at ipahayag ito sa mga taong handang makinig at tumulong.
The Comedy “Playboy”
Isa sa mga pinakamatagal at pinakakilalang trope ng lalaki sa ating media ay ang “playboy”—at sa comedy genre siya madalas lumitaw. Kilala siya bilang lalaking maraming babae, laging may problematic pick-up line, pero pinapatawad siya ng audience dahil nakakatawa siya. Natatakpan ng punchlines at pagpapa-cute ang pagiging babaero o irresponsible niya.
Makikita ito sa mga comedy icons tulad nina Vic Sotto at Dolphy, na sa mga pelikula at sitcom tulad ng Iskul Bukol (1978) at Home Along Da Riles (1992) ay laging may nililigawan, pinopormahan, o love interest. Pero higit sa lahat, ang sitcom na Palibhasa Lalake (1987) ang isa sa mga pinaka-nagpatibay ng trope na ito. Sina Joey Marquez, Richard Gomez, at John Estrada ay gumanap ng mga karakter na laging babae ang iniisip, hindi marunong mag-commit, at kadalasang iniiwasan ang responsibilidad gamit ang jokes at comedic timing.
Sa Palibhasa Lalake, naging cool pa ang pagiging playboy. Pinagtatawanan ang panloloko o pambababae, at kahit may misogynistic lines, sinasagot lang ito ng slapstick gags—katulad ng pingot ni Gloria Romero o sarkastikong banat ng mga nanay. Pero sa totoo lang, sa paulit-ulit na pagpapakita ng ganitong gawain na walang tunay na consequence, unti-unting na-normalize ang pananaw na ayos lang ang mang-babae basta nakakatawa ka.

Photo grabbed from: Wikipedia Commons
Ang nakakatawa sa screen, pwedeng maging toxic sa totoong buhay. Dahil sa trope na ito, baka isiping astig ang pagkakaroon ng sabay-sabay na babae o ang pagtrato sa kanila nang walang respeto. Pero pre, walang punchline ang disrespect. Ang pagiging funny ay hindi excuse para maging irresponsible, at lalo na para lokohin ang kababaihan.
The “Influencer Bro”
Ngayon, hindi lang TV o pelikula ang nagdidikta kung paano maging lalaki—social media na rin. At sa digital world, mas mabilis kumalat ang content na may pagka-toxic, lalo na kung nakakatawa o relatable.
Isang example ay ang mga streamers at influencers na sikat sa kabataang lalaki—mga taong pinapanood araw-araw, kadalasang puno ng normalized misogyny ang content nila. Si Bugoy na Koykoy, isang rapper at personality na kinikilala ngayon bilang “Andrew Tate of the Philippines,” ay madalas maglabas ng content na macho-centric at may underlying hatred or dismissal sa kababaihan.
Sina Choox TV at Renejay, na may malalaking following bilang Mobile Legends streamers, ay kamakailan lang gumawa ng collab with porn star Eva Elfie. Maraming kabataan ang natuwa, pero di rin napansin kung paanong unti-unti nitong ginawang “normal” ang pag-objectify sa babae. Napansin ng marami na hindi maganda ang pakikitungo nila kay Eva at ginagawang katatawanan ang paghalik at paghawak sa kanya. Marami rin ang nagsabing mukhang wala silang respeto kay Eva bilang babae porke isa siyang porn star.

Photo grabbed from: Eva Elfie on Facebook
Maraming batang lalaki ang exposed sa ganitong klase ng content araw-araw, at kung walang ibang sources of guidance, ito ang nagiging blueprint nila sa pagiging lalaki. Wala namang masama sa entertainment, pero kung paulit-ulit na ginagawang punchline ang babae, o ginagawang reward ang sex, nawawala ang respeto at dignidad sa usapan, at nagdudulot ito ng pinsala sa kababaihan.
Pagbabago sa Imahe ng mga Lalaki sa Indie Films at Bagong Henerasyon
Ang media ay hindi lang source ng aliw. Isa rin itong salamin at tagahubog ng kung ano ang katanggap-tanggap sa lipunan. Kaya kapag paulit-ulit nating nakikita ang mga lalaking agresibo, emotionally unavailable, o babaero na parang okay lang lahat ng ginagawa nila—nagiging bahagi ‘yon ng kung paano natin tinitingnan ang sarili natin at isa’t isa.
Sa kabutihang-palad, may mga bagong aktor na sumisira sa tradisyonal na imahe ng pagiging tunay na “lalaki.” Halimbawa, si Elijah Canlas sa Gameboys (2020) ay nagpapakita ng lalaking mas bukas sa kanyang emosyon, mas malapit sa kanyang pamilya, at mas nakakaunawa sa kanyang pagkatao—mga aspeto na bihirang ipakita noon sa mainstream media.

Photo grabbed from: Gameboys: The Movie
Ang ganitong uri ng representasyon ay mahalaga upang ipakita na maraming paraan ng pagiging lalaki at hindi lang ito limitado sa pagiging maton, swabe, o martir. Ang pagiging lalaki ay hindi one-size-fits-all. Walang iisang tamang paraan para maging totoong lalaki. Hindi mo kailangang sundin ang script na itinakda ng media—dahil ikaw mismo ang may kontrol kung paano mo ipapahayag ang iyong sarili.
Kung hindi natin bubuksan ang usapan, paulit-ulit lang ang cycle. Magkakaroon ng mga lalaking takot mag-open up, nahihiyang maging gentle, o naniniwalang entitled sila sa respeto kahit ‘di nila ito ibinibigay. Patuloy na mahuhubog ang mga lalaking hindi marunong mag-regulate ng sariling emosyon na puwedeng mauwi sa galit at dahas. Kaya panahon na para pag-usapan ito. Para ang susunod na henerasyon ng Pinoy men and boys ay hindi na kailangang magkubli ang emosyon at tunay na pagkatao para lang masabing lalaki sila.
Kaya pre, ikaw—anong klaseng lalaki ang gusto mong maging? At kanino ka natututo kung paano ‘yan dapat ipakita?
Bonus: Panoorin ang Astig Pre series sa YouTube at sabay-sabay tayong matutong maging mas marespeto, mas tunay na lalaki.







