Ang HIV, o Human Immunodeficiency Virus, ay isang uri ng virus na umaatake sa immune system ng isang tao. Pinapahina nito ang kalusugan ng isang tao sa pamamagitan ng pagsira sa mahahalagang cells na lumalaban sa mga sakit at impeksyon. Sa kasalukuyan ay walang mabisang lunas para sa HIV. Ngunit sa wastong pangangalagang medikal, makokontrol ang HIV at ang pagkalat nito. Maraming paraan kung paano mahawa ng HIV kagaya ng hindi protektadong pakikipagtalik at ilang mga risky behaviors.
Ang babasahing ito ay magbibigay sa iyo ng mga pangunahing impormasyon tungkol sa HIV, tulad ng kung paano ito naipapasa sa ibang tao, kung paano mo ito mapipigilan, at kung paano magpa-HIV testing.
Ano ang HIV?
Ang HIV ay isang uri ng virus na umaatake sa immune system ng isang tao. Himayin natin kung ano ang ibig sabihin ng Human Immunodeficiency Virus:
Human, dahil maaari itong makaapekto sa sinumang tao, anuman ang lahi, kasarian, o edad. Immunodeficiency, sapagkat pinapahina nito ang immune system o ang resistensya ng katawan na lumalaban sa iba’t-ibang mga sakit at impeksyon.
At virus, dahil mabilis itong kumalat kapag nakapasok sa katawan at mas lalo pang dumarami kung hindi naaagapan.
Paano malalaman kung ako ay may HIV?
HIV testing ang natatanging paraan upang malaman kung may HIV ang isang tao. Nakakatulong ang pag-alam ng iyong HIV status upang makagawa ka ng mga tamang desisyon tungkol sa iyong kalusugan, upang mas maiwasan ang pagkakaroon nito, at upang maiwasan din ang panghahawa nito sa iba.
Madaling malaman ang HIV status gamit ang mga rapid HIV test na karaniwang ginagamit sa clinics, emergency departments, at temporary testing sites katulad ng health fairs at special HIV testing events. Ito ay maikling proseso ng pagkuha ng kaunting dugo sa pamamagitan ng pagtusok sa daliri. Sa loob lamang ng 30 minuto, makukuha na agad ang resulta. Ang HIV tests ay 99% – 100% reliable, at ito ay strictly confidential. Marami ang kinakabahan o takot na magpa-test, ngunit hindi ito dapat maging hadlang upang magpa-test.
Tandaan na kadalasan ay walang nakikitang sintomas ang HIV, at pagpapa-test lang ang siguradong paraan para malaman ang iyong HIV status.
Mayroon bang mga sintomas ang HIV?
Ang ilang mga tao ay may mga sintomas tulad ng pagkakaroon ng trangkaso sa loob ng 2 hanggang 4 na linggo pagkatapos ng impeksyon (tinatawag itong acute HIV infection). Ang mga sintomas na ito ay maaaring tumagal ng ilang araw o ilang linggo. Kabilang sa mga posibleng sintomas ang mga sumusunod:
- Lagnat
- Panginginig
- Mga rashes sa balat
- Mga pagpapawis sa gabi
- Pananakit ng kalamnan
- Sore throat o pananakit sa lalamunan
- Fatigue o pagkapagod
- Namamaga ang mga kulani o lymph nodes
- Mouth ulcers o singaw
Ngunit may mga ilang positibo rin sa HIV na hindi nakakaranas ng mga nabanggit na sintomas. Ang mga sintomas na ito ay hindi nangangahulugan na ikaw ay may HIV. May iba pang mga sakit na maaaring maging sanhi ng parehong mga sintomas.
Magpatingin sa isang health care provider kung mayroon kang ganitong mga sintomas at kung sa tingin mo ay posible kang nahawa ng HIV.
Tandaan: Tanging HIV testing lamang ang siguradong paraan upang malaman kung ikaw ay may HIV.
Transmission: Paano naihahawa ang HIV?
Naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng mga bodily fluids o likido ng katawan mula sa isang taong may HIV, katulad ng:
- dugo
- semen o tamod
- vaginal fluid
- anal fluid
- breast milk
Ito ay karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng unprotected sex o hindi protektadong pakikipagtalik kagaya ng pakikipagtalik nang hindi gumagamit ng condom; o kaya naman ay pagbabahagi o pagshe-share ng mga karayom o injection needles sa paggamit ng droga.
Ang HIV ay maaari ring maipasa mula sa ina papunta sa bata habang nagbubuntis, kapanganakan, o pagpapasuso. Hindi man ito mga karaniwang sitwasyon ngunit ito ay nangyayari pa rin.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, hindi maaaring makakuha ng HIV sa pamamagitan ng casual contact tulad ng paghawak, paghalik, o kahit na pagshe-share ng baso.
Ano naman ang AIDS?
Kung hindi agad mada-diagnose at maaagapan, ang HIV ay maaaring humantong sa isang mas seryosong kondisyon na tinatawag na AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome. Ang AIDS ay nade-develop matapos ang isang tao ay nagkaroon ng HIV sa loob ng maraming taon. Sa AIDS, ang immune system ay mahinang mahina na at nagkakaroon na ng mga malulubhang impeksyon at iba’t-ibang problema sa kalusugan.
Paano maiiwasan ang paglala ng HIV?
Sa kasalukuyan, mayroong mga gamot upang maiwasan ang paglala ng HIV sa AIDS. Ang gamot na ginagamit para sa HIV treatment ay tinatawag na antiretrovirals o ARVs na nakakatulong upang ihinto ang pagkalat at pagdami ng virus sa katawan. Hindi man ganap na mapuksa ang virus, ang pag-inom ng gamot na ito araw-araw ay nakakatulong na ibaba ang viral load hanggang ito ay maging undetectable.
Ang mga taong may undetectable viral load ay mas malamang na hindi na maipapasa ang virus sa kanilang mga sexual partners.
Ang taong na-diagnose nang mas maaga ay may mas malaking posibilidad na mag-respond ng mabuti sa paggamot at mas mataas ang posibilidad na mabuhay nang malusog at matagal. Kaya naman huwag hayaan ang takot na makapigil sa pagpapa-test.
Paano makakaiwas sa HIV?
Maraming paraan upang maprotektahan ang sarili mula sa HIV. Kailangang mahanap ang tamang paraan sa pag-iwas – o kombinasyon ng mga paraan – na maaaring maging epektibo para sa sarili at sa mga sekswal na kapareha.
Gumamit ng condom sa bawat pakikipagtalik
Isa sa mga pinakamadali at pinakamainam na paraan para makaiwas sa HIV ay ang paggamit ng condom. Mabilis at madaling nakakabili ng mga condom sa mga botika, supermarket at maaaring libre rin ito sa mga reproductive health clinic at barangay health center. Mayroon ding dagdag na benepisyo ang condom para makaiwas sa iba pang uri ng sexually transmitted diseases o STIs, dahil ito ay isang uri physical barrier contraceptive.
Kung tama ang paggamit, ang condom ay 95% na epektibo. Dapat pa rin tandaang ang paggamit nito ay hindi foolproof dahil maaari itong mapunit o matanggal habang nakikipagtalik. Kung ibabase sa tipikal na paggamit, naglalaro sa 79% hanggang 82% ang bisa ng condoms.
Hindi dapat katakutan ang HIV
Kagaya ng nauna nang sinabi, makatutulong ang regular na pagpapasuri sa HIV at iba pang STI para mas maagang matukoy ang mga impeksyon. Nangangahulugan ito na mas maaga kang makakapagpagamot ng mga impeksyon at maiiwasan mong maisalin sa iba pa ang HIV.
Ugaliing bumisita sa clinic na nagbibigay ng serbisyong pangsekswal na kalusugan, regular na magpasuri sa lokal na doctor, at bumisita sa lokal na sentrong pangkalusugan sa komunidad.