Sabay nating alamin ang mga nangyayaring pagbabago sa iyong katawan habang ikaw ay nagbibinata o nagdadalaga.
Ang pagbibinata at pagdadalaga ay mga mahahalagang yugto sa buhay ng isang tao. Ang pagbibinata, pagdadalaga, at mga sekswal na pagbabago at pagmamature na nangyayari sa katawan ay tinatawag ding puberty.
Ang stage ng puberty ay maaaring maging challenging at nakakalitong panahon para sa mga kabataan. Mahalagang malaman ng isang dumadaan dito ang mga pagbabagong mangyayari sa kanilang katawan upang mas maunawaan nila ang mga normal na pagdaraanan nila sa yugtong ito ng kanilang buhay.
Kasama sa puberty stage ang maraming pisikal na mga pagbabago (nakikitang mga pagbabago kagaya ng pagtangkad at paghubog ng mga katawan) at maging mga sikolohikal na pagbabago (kagaya ng mood swings at pagkakagusto sa kapwa). Ang mga pagbabagong ito ay normal na mangyari sa panahong ito.
Karaniwang nagsisimula ang puberty sa pagitan ng edad na 8 at 14. Ito ay kadalasang nangyayari sa mga babae nang mas maaga kaysa sa mga lalaki.
Ang article ito ay magbibigay ng pangkalahatang ideya tungkol sa puberty, kabilang na rin kung ano ang mga pagbabagong aasahan, kung kailan ito mangyayari, at bakit.
Ano ang Puberty?
Habang nasa stage ng puberty, maraming pagbabagong mangyayari sa katawan ng isang nagbibinata o nagdadalaga. Hudyat ang mga pagbabagong ito na:
- malapit mo nang marating ang pagiging adult, o hustong gulang
- nagde-develop na ang iyong mga sex characteristics
- maaari ka nang mabuntis o makabuntis
Kadalasang nagsisimula ang puberty stage mula edad na 8 hanggang 14 taong gulang. Pero dahil iba-iba ang mga tao ay posibleng mapaaga ang puberty sa iba, o mahuli naman sa iba pa.
Maaaring tumagal ang puberty sa loob ng teenage years.
Ano ang nangyayari habang nagbibinata o nagdadalaga?
Nagsisimula ang puberty kapag nag-signal na ang utak sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan na panahon na upang maging dalaga o binata.
Ang mga signal na ito ay dala ng hormones mula sa utak na mag-uutos sa iba pang bahagi ng katawan, kagaya ng obaryo ng babae o testes naman ng lalaki, para gumawa ng iba pang mga hormones. Ang mga hormones na ito ay ang dahilan ng mga paglaki at pagbabago sa katawan katulad ng:
- pag-develop ng mga ari
- pag-develop ng dibdib
- mga pagbabago sa balat
- paglaki ng muscles
- pag-develop ng mga buto
- pagtubo at paglago ng buhok sa iba’t ibang bahagi ng katawan
- pagbabago ng boses
May mga pagbabagong nagaganap sa balat ng nagbibinata at nagdadalaga. Nagiging mas oily na ang kanilang balat kung kaya’t maari silang tubuan ng acne kagaya ng mga taghiyawat o pimples. Ang mga pagbabagong ito sa balat ang dahilan din kung bakit nagkakaroon ng kakaibang amoy ang kili-kili.
Habang nasa puberty stage, magsisimula na ring maapektuhan ng mga hormones ang emosyon at mga kaisipan. Normal na mangyari ang mga sumusunod habang nagdadalaga o nagbibinata:
- pagbabago-bago ng emosyon o mood swings
- pagkakaroon ng mga sekswal na kaisipan o sexual fantasies
- simula ng mga sekswal at romantikong atraksyon sa iba
Nagsisimula na ring tuklasin ng mga nagbibinata o nagdadalaga ang kanilang sekswalidad at kung kanino sila nagkakagusto. Magsisimula na silang malaman kung sila ba ay heterosexual, bisexual, homosexual, o iba pa. Normal na pagdaanan ang mga ito, at iba-iba ang karanasang ito depende sa tao.
Hormones
Kagaya ng nabanggit, maraming mga pagbabagong nangyayari sa stage ng puberty ay nauugnay sa hormones. Ang mga hormones na nauugnay sa puberty ay ang mga sumusunod:
- Testosterone. Ito ay isang pangunahing sex hormone sa mga lalaki at ito ang nagbibigay ng mga katangian ng lalaki katulad ng mas malalim na boses, buhok sa mukha, at pag-develop ng kalamnan. Ang testosterone ay may mahalagang papel din sa pag-develop ng babae ngunit sa mas mababang antas.
- Estrogen. Ito ay isang pangunahing sex hormone sa mga babae. Ito ang may kinalaman sa paglaki ng matris at ng dibdib.
- Growth hormone. Ang hormone na ito ang nagiging sanhi ng pag-develop ng mga buto at muscle, kasama ang mabilis na pagtangkad.
Para mas lalong maintindihan at maunawaan ang mga pagbabagong nagaganap sa katawan habang nasa stage ng puberty, panoorin ang mga video na ito: