Ang mga maling chismis tungkol sa HIV at AIDS ay maaaring mas maging sanhi ng patuloy na pagkalat nito at ng patuloy na diskriminasyon laban sa mga taong mayroon o maaaring mahawaan nito. Kung hindi maitatama ang mga maling paniniwala, maari itong magdulot ng lalong pagkalito, kapahamakan, at maari ring makapinsala sa kalusugan.
Bago iyan, ano nga ba ang HIV at AIDS?
Ang HIV (o Human Immunodeficiency Virus) ay isang virus na umaatake sa immune system ng katawan ng tao. Ang immune system ay isang kumplikadong network sa loob ng ating katawan na nagtatanggol laban sa mga impeksyon at mga sakit.
Kung ang HIV ay napabayaan at hindi ginagamot, maaari itong humantong sa AIDS (o Acquired Immunodeficiency Syndrome). Walang gamot laban sa AIDS hanggang sa ngayon. Kapag ang isang tao ay may HIV, ito ay mananatili sa kanyang katawan habang buhay. Ngunit sa wasto at maagap na medical care, maaaring makontrol ang HIV.
Isa-isahin nating itama ang mga maling chismis tungkol sa HIV/AIDS.
Chismis #1: Mahahawa ako ng HIV kapag lumapit ako sa taong HIV positive.
ITO ANG CHECK: Ang HIV ay HINDI naisasalin sa ibang tao sa pamamagitan ng paglapit, paghipo, luha, laway, sipon, ubo, pawis, o maging ihi. Hindi rin naisasalin ang HIV sa pamamagitan ng:
- Pakikipag-usap;
- Pagyayakapan, paghahalikan, o pakikipag-shake hands;
- Pagiging magkatabi sa upuan, sa meeting, o sa sasakyan;
- Pagse-share ng kutsara at tinidor, tuwalya, damit;
- Pakikisalamuha sa taong may HIV.
Maaari lamang makuha ang HIV mula sa infected na dugo, tamod, vaginal fluids, anal mucous, o maging gatas ng inang may HIV. Makukuha ang HIV mula sa hindi-protektadong pakikipagtalik.
Chismis #2: Ang HIV/AIDS ay sakit ng mga bakla.
ITO ANG CHECK: Bagamat ang mga kaso ng HIV/AIDS ay mas madalas na nakikita sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, hindi ibig sabihin nito na sila lamang ang maaring mahawa nito. Kahit sino — anuman ang sexual orientation, gender identity, gender expression, mayaman, mahirap, may pinag-aralan o wala, o ano pa man — ay maaaring makakuha ng HIV.
Walang pinipiling hawaan ang HIV. Ang pagtawag sa HIV na isang “pambakla” o “pang-LGBT lamang” na sakit ay hindi makakatotohanan at nagsisilbi lamang na nakakapinsalang stereotype laban sa mga taong may HIV/AIDS at maging sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Chismis #3: Kayang ikalat ng lamok ang HIV.
ITO ANG CHECK: Bagamat naikakalat ang HIV sa pamamagitan ng dugo, hindi nangangahulugan na kayang maghatid ng HIV ang mga lamok o mga insektong nabubuhay sa pagkain ng dugo. Maraming pag-aaral na ang nagpatunay na hindi maisasalin ang HIV sa pamamagitan ng kagat ng lamok.
Chismis #4: Naikakalat ang HIV sa pamamagitan ng tubig o pagkain.
ITO ANG CHECK: Hindi mabubuhay ang HIV sa tubig o maging sa pagkain, kaya hindi ka mahahawa ng HIV kung maliligo ka sa beach, swimming pool, shower areas, sa paghuhugas ng damit, o maging sa inuming tubig. Hindi mo rin makukuha ang HIV sa pagkain.
Chismis #5: Posible akong magka-HIV kung magpapa-tattoo ako
ITO ANG CHECK: Maaari ka lamang mahawaan ng HIV kung ang karayom na ginamit ng tattoo artist sa iyo ay ginamit na nya sa pagta-tattoo sa isang taong HIV positive, at kung ang karayom na ito ay hindi sterilized. Siguraduhing bago at hindi pa nagagamit sa iba ang karayom na gagamitin para sa itong tattoo session.
Chismis #6: Nagagamot na ang HIV/AIDS.
ITO ANG CHECK: Bagamat may ARVs (antiretroviral drugs) na ngayon na nagpapabuti sa buhay ng mga taong mayroong HIV at nagpapatagal ng kanilang buhay, ang ARVs ay napakamahal na uri ng gamot at may mga side effects. Tandaang walang lunas para sa HIV o AIDS.
Ang tamang pag-iwas sa HIV ay mas mabuting gawin sa ngayon kaysa sa panghabang-buhay na pangangalaga ng katawan na may HIV at ng mga problemang dinadala nito.
Chismis #7: Malalaman mo na mayroon kang HIV dahil sa iyong mga sintomas.
ITO ANG CHECK: Ang pinakamabisang paraan upang malaman kung ikaw ay may HIV ay ang pagpapa-HIV Test.
May mga taong ilang taon nang may HIV ngunit wala namang pinapakitang mga sintomas. Gayunpaman, may mga tao ring nagkakaroon ng mga sintomas makalipas lamang ang ilang araw pagkatapos ng pagkahawa.
Ang mga karaniwang sintomas na ito ay katulad ng mga sintomas ng trangkaso: maaaring may kasamang lagnat, pamamaga na mga kulani, namamagang lalamunan, mga pantal, at pananakit ng kalamnan. Karaniwang mawawala ang mga sintomas na ito pagkalipas ng ilang linggo at maaaring hindi na muling lumabas sa loob ng maraming taon.
Muli, ang tangi at pinakamabisang paraan upang malaman kung ikaw ay may HIV ay ang pagpapa-HIV Test.
Chismis #8: Kung ako ay HIV positive, katapusan na ng buhay ko.
ITO ANG CHECK: Tinutulungan ng mga ARVs na makapamuhay nang mas mahaba at normal ang mga taong may HIV, o kahit AIDS. Kung ikaw ay may HIV, at kung makakapag-simula ka kaagad sa ARV treatment, posible na hindi ka magkakaroon ng AIDS.
Dahil pinahihina ng HIV/AIDS ang iyong immune system, mas madali kang kakapitan ng mga sakit kagaya ng cancer, pneumonia, tuberculosis, heart disease, kidney disease, at iba pa. Kaya’t kahit ikaw ay umiinom na ng ARVs, alagaan mo pa rin ang iyong sarili upang magkaroon ka ng mas malusog na pamumuhay.