CHISMIS #1: Walang mangyayaring pagbubuntis dahil agad namang nilabas ng lalaki ang ari nya mula sa ari ng babae bago siya nilabasan.
Posible pa rin ang pagbubuntis kahit nilabas agad ang ari ng lalaki mula sa ari ng babae! Posible kasing nilabasan ng pre-cum ang lalaki habang ang ari niya ay nasa loob ng ari ng babae. Ang pre-cum ay yung malagkit at medyo klaro na likido na lumalabas sa ari ng isang lalake bago niya tuluyang maabot ang sukdulan o orgasm. Ang pre-cum ay mayroon ding mga sperm na posible pa ring makabuntis sa isang babae. Hindi na mapapansin ng lalake, at lalung-lalo na ng babae, kung nilabasan na pala ng pre-cum ang isang lalake habang ang ari niya ay nakapasok. Kaya mag-ingat lagi; gumamit ng proteksyon!
TANDAAN: Hindi epektibo ang withdrawal method!
CHISMIS #2: Hindi mabubuntis ang babae kapag sya o ang partner nya ay lasing kasi makakapagpabagal ito sa semilya ng lalaki.
Ito ay walang katotohanan! Hindi nakakabawas sa bilis ng paggalaw ng semilya ang alak. Mas tataas pa nga ang posibilidad na mabuntis ang babae kapag sya ay lango sa alak dahil posible syang makipagtalik nang walang consent. Mababawasan din ang abilidad ng isang babae na makagawa ng tamang desisyon o madepensahan ang sarili nya kung sakali mang may gustong mang-abuso sa kanya dahil nga lasing sya.
CHISMIS #3: Mabubuntis ang babae kapag naligo sya sa swimming pool o bath tub na may semilya ng lalaki.
Hindi mabubuntis kung maliligo ang isang babae sa swimming pool o bath tub na may semilya ng lalaki. Ang semilya kasi ay agad-agad na namamatay kapag ito ay nailabas sa tubig bago pa man ito makarating sa ari ng isang babae.
CHISMIS #4: Walang mangyayaring pagbubuntis kung sa swimming pool o bath tub nagtalik ang isang mag-partner.
May posibilidad pa rin na mabuntis ang isang babae kung sya ay nakipag-vaginal sex (lalung-lalo na kung ‘di protektado), nasa tubig man sila ng partner nya o hindi.
CHISMIS #5: Walang mangyayaring pagbubuntis kung ang babae ay nakipagtalik habang sya ay nireregla.
Pwedeng-pwede pa ring mangyari ang pagbubuntis kahit makipagtalik ang babae habang sya ay may buwanang dalaw! Tandaan na ang semilya ay pwedeng mabuhay sa loob ng katawan ng isang babae nang halos anim na araw. Ang itlog at ang sperm ay posibleng mag-abot kung ang pagtatalik ay mangyayari sa loob ng limang araw bago maglabas ng itlog ang obaryo o sa araw mismo ng ovulation. May maliit din na posibilidad na mabuntis ang isang babae isa o dalawang araw matapos maglabas ng itlog ang kanyang obaryo.
CHISMIS #6: Walang tsansa ng pagbubuntis kung hindi naman pinasok ng lalaki ang ari niya sa ari ng babae habang sila ay nagtatalik.
May posibilidad ka pa ring mabuntis ang babae kahit walang nangyaring pagpasok ng ari. Kung ang lalaki ay nilabasan at ang kanyang tamod ay dumikit, dumampi, o nagkaroon ng contact sa ari ng babae ay pwede pa ring mangyari ang pagbubuntis kahit hindi naman niya pinasok ang kanyang ari niya sa babae.
CHISMIS #7: Nakakabuntis ang oral sex.
Hindi nakakabuntis ang oral sex dahil napakamalayo ng itlog ng babae mula sa kanyang bibig. Pero tandaan: hindi man mabubuntis ang babae sa oral sex, posible naman syang mahawaan ng sexually-transmitted infections (o STIs) dahil dito. Kaya ugaliing protektahan ang iyong sarili kahit na ano mang klaseng pagtatalik ang gusto mong gawin.
CHISMIS #8: Posible ang pagbubuntis kapag nag-anal sex ang isang babae at isang lalaki.
Walang mangyayari pagbubuntis kung sa loob ng puwitan ng babae nilabasan ang kanyang lalaking partner. Tandaang wala sa looban ng puwit ang matres ng babae. Pero dahil malapit ang anus o puwit sa ari ng babae, may posibilidad pa rin na mabuntis ang babae kung sakaling dumikit, dumampi, o magkaroon ng contact sa semilya ang ari ng babae. At siyempre, mag-ingat sa STIs. Hindi man nakakabuntis ang anal sex, ngunit may posibilidad na magkahawaan ng sakit kung hindi gagamit ng contraceptives kagaya ng condoms.
CHISMIS #9: Walang mangyayaring pagbubuntis kung agad na iihi ang babae at kung agad din nyang huhugasan ang kanyang ari pagkatapos nyang makipagtalik.
Ang kaisipang ito ay lubhang mali. Hindi sapat ang pag-ihi o paghuhugas ng ari para makasiguradong wala na ngang natira na kahit isang semilya sa loob ng katawan ng babae na magsimula ng pagbubuntis. Tandaan na sa milyung-milyong semilya na nilalabas ng lalaki, isa lang ang kailangan para mabuntis ang isang babae.
CHISMIS #10: Kung unang beses pa lang ng babae na makipagtalik, hindi sya mabubuntis.
Hindi nakadepende ang pagbubuntis sa kung ilang beses nang nakipagtalik ang isang babae, o kahit ang isang lalaki. Kaya oo, tandaang maari pa ring mangyari ang pagbubuntis kahit unang beses mo pa lang makipag-sex. Kaya maging maingat; gumamit ng contraceptives!
CHISMIS #11: Isang beses lang naman kami nagsex ng partner ko nang walang proteksyon, kaya walang posibilidad na may mangyaring pagbubuntis.
Napakataas ng tsansa na may mangyaring pagbubuntis kapag nagtalik nang walang proteksyon. Kahit pa isang beses lamang itong nangyari. Muli, hindi nakadepende ang tsansa ng pagbubuntis sa dami, dalas, o onti ng beses nang nakipagtalik. Kaya laging gumamit ng contraceptives!
CHISMIS #12: Hindi mabubuntis ang babae kung tatalon-talon sya pagkatapos nilang magtalik ng partner nya.
Kahit pa tumalon ang isang babae nang ten million times pagkatapos makipagtalik ay posible pa rin syang mabuntis. Hindi mapipigilan ng pagtalon-talon ang posibilidad pagdadalang-tao. Chismis yan!
CHISMIS #13: Hindi mabubuntis ang isang babae kung sya ay sakitin. Ganun din sa lalaki, kung sya ay sakitin, hindi sya makakabuntis ng babae.
Wala itong katotohanan. May mga health problems na nagpapahirap sa isang tao na mabuntis o makabuntis, pero hindi lahat. Ano bang klaseng problema sa kalusugan ang meron ka? Mabuting magpatingin at makipag-usap ka sa isang doktor para magabayan ka nang tama tungkol sa iyong kalusugan.