Karaniwang nabubuntis ang isang taong may matris kapag siya ay nakipag-vaginal sex sa isang taong may titi. Iyan ay dahil makakalakbay ang semilya ng isang lalaki sa loob ng ari ng isang babae hanggang sa makatagpo ito ng itlog na pwedeng mapertilisa.
3 Prosesong Nangyayari Bago Maganap ang Pagbubuntis
- Ovulation. Ito ang paglalabas ng itlog o egg cell mula sa obaryo.
- Fertilization. Kapag nakipagtalik ang isang taong may matris sa isang taong may titi, maglalakbay ang libo libong sperm cells papunta sa fallopian tube. Kung isa (o higit pa) sa mga sperm cells ay makatagpo ng egg cell, magsasanib ang egg cell at sperm cell.
- Implantation. Maglalakbay ang napertilisang itlog at kakapit sa dingding ng matris. Dito na magsisimulang mabuo ang isang fetus na siyang magdedevelop at magiging baby sa loob ng siyam na buwan.
Posible ring mabuntis ang isang tao kahit na hindi siya nakipag-vaginal sex, basta ang semen o tamod ay dumikit, dumampi, o maka-establish ng contact sa vulva o puwerta sa ibang pamamaraan.
Mga iba pang paraan para mabuntis ang isang babae
May artificial insemination na tinatawag kung saan ang sperm ng isang lalaki ay ipinapasok sa ari ng isang taong may matris gamit ang isang syringe o iba pang klase ng gamit.
Mayroon ding tinatawag na in vitro fertilization kung saan ang itlog ay kinukuha at nilalabas mula sa katawan ng isang babae at pinepertilisa gamit ang sperm ng kanyang partner o ng ibang lalaki. Ibabalik lamang ang nilabas na itlog sa loob ng katawan ng isang babae kapag ito’y napertilisa na.
Hindi ka mabubuntis kung…
Ngayong alam mo na ang mga natural at artificial na mga paraan para mabuntis ang isang babae, narito naman ang ilang mga bagay na siguradong hindi nakakabuntis.
- Abstinence. Hindi ka mabubuntis kung hindi ka makikipagtalik.
- Ang pakikipaghawak-kamay ay hindi nakakabuntis.
- Hindi rin nakakabuntis ang pakikipaghalikan.
- Ang pakikipagsayaw ay hindi nakakabuntis.
- Hindi ka rin mabubuntis sa pamamagitan ng oral sex.
- Ang paghawak sa ari gamit ang kamay ay hindi rin nakakabuntis.
Kailan mas mataas ang tsansang mabuntis ang isang babae?
Ang tsansang mabuntis ang isang babae ay nakadepende sa kung kailan mananatiling buhay ang itlog ng babae at semilya ng lalaki. Ang itlog ng babae ay tumatagal nang halos isang araw pagkatapos nitong lumabas mula sa obaryo. Ang semilya naman ng lalaki ay pwedeng mabuhay sa loob ng katawan ng isang babae nang halos anim na araw.
Ang itlog at ang semilya ay posibleng mag-abot kung ang pagtatalik ay mangyayari sa loob ng limang araw bago maglabas ng itlog ang obaryo, o ‘di naman kaya sa araw mismo ng ovulation.
May maliit din na posibilidad na mabuntis ang isang babae isa o dalawang araw matapos maglabas ng itlog ang kanyang obaryo.