Mahalaga ang maagap na HIV testing dahil pinapabagal nito ang pagkalat ng virus sa katawan ng isang tao, at maging ang pagsalin nito sa iba pa. Maraming tao ang walang kamalay-malay na sila ay HIV positive. Dahil hindi nila alam ang kanilang status, at ito’y magiging sanhi upang hindi sila lubusang mag-ingat at maaring nakahawa sa kanilang kapwa.
At isa pa, ang maagang pagtuklas sa HIV infection ay lubos na makakapagpabagal ng pagkakaroon ng AIDS.
Kailan ko kailangang magpa-HIV test?
Kailangan mong magpa-HIV test bago makipagtalik sa isang bagong kapareha kung ikaw ay:
- Nagkaroon ng hindi protektadong vaginal, oral o anal sex mula noong huli mong testing
- Gumamit ng intravenous (IV) na mga gamot o droga, kabilang ang mga steroid, hormone o silicone, kung hindi bagong karayom ang ginagamit
- Na-diagnose na may tuberculosis o isang sexually transmitted infection (STI), gaya ng hepatitis o syphilis
- Nakipagtalik nang hindi protektado sa isang taong nabibilang sa alinman sa mga kategorya sa itaas
Ano ang mga kailangan kong ihanda bago magpa-HIV testing?
Walang espesyal na paghahanda ang kinakailangan bago magpa-HIV testing. Marami ring mga lugar kung saan ka maaaring makakuha ng HIV tests. Kasama rito ang mga sumusunod:
- Health care provider offices
- Community health centers
- Sexually-transmitted disease treatment clinics
- Substance abuse treatment clinics
- Mga botika
- Online stores
Kung wala kang kakayahang bumili ng HIV tests, may mga HIV test centers din naman na nagbibigay nito nang libre.
Paano ginagawa ang HIV testing?
Madaling malaman ang HIV status gamit ang mga rapid HIV test na karaniwang ginagamit sa clinics, emergency departments, at temporary testing sites katulad ng health fairs at special HIV testing events. Nabibili na rin ito online.
Ito ay maikling proseso ng pagkuha ng kaunting dugo sa pamamagitan ng pagtusok sa daliri. Sa loob lamang ng 30 minuto, makukuha na agad ang resulta. Ang HIV tests ay 99% – 100% reliable, at ito ay strictly confidential. Marami ang kinakabahan o takot na magpa-test, ngunit hindi ito dapat maging hadlang upang magpa-test. Ang pagpa-test ang unang hakbang upang mas maalagaan mo ang kalusugan mo.
Tandaan na kadalasan ay walang nakikitang sintomas ang HIV, at pagpapa-test lang ang siguradong paraan para malaman ang iyong status.
Ano ang mga posibleng maging resulta ng HIV testing?
Ang mga posibleng resulta ng HIV testing ay positive o positibong may nakitang HIV sa katawan, at negative o walang nakitang HIV sa panahon ng pagpapa-test. Minsan may mga lumabas ding resulta na false-positive o false-negative. Sa mga ganitong pagkakataon kung saan hindi sigurado ang resulta, mas mabuting higit sa isang beses ang gagawing HIV testing.
Negative HIV test result
Ang isang negatibong resulta ng HIV test ay maaaring mangahulugan ng isa sa dalawang bagay: Wala kang HIV, o masyadong maaga pa para makasigurado.
Kung kamakailan ka lang na-expose sa HIV, maaari kang mag-negatibo sa testing para sa HIV antibodies dahil wala pang oras ang iyong katawan upang likhain ang mga ito. Kakailanganin mong muling masuri para sa HIV antibodies sa loob ng tatlong buwan, at hanggang sa panahong iyon, practice safe sex.
Positive HIV test result
Kung nagpositibo ka sa parehong una at follow-up na HIV testing, kinukumpirma nito na ikaw ay positibo sa HIV.
Maari kang makaramdam ng matinding pagkabahala, ngunit tandaan na ang positibong resulta ng HIV testing ay hindi katapusan ng lahat.
Bagama’t wala pa ring lunas para sa HIV at AIDS, malayo na ang narating ng medisina sa nakalipas na ilang dekada at mayroon nang mga bagong gamot (mga antiretroviral drugs o ARVs) na nagbibigay ng mas pinahaba at mas pinabuting kalidad ng pamumuhay para sa mga HIV positive na indibidwal.
Kung ikaw ay nahawaan ng HIV at umiinom na ng ARVs, maaari kang magkaroon ng halos normal na pag-asa sa buhay. Ang maagang paggamot ay makakatulong sa iyong manatiling maayos at maiwasan o maantala ang pagsisimula ng AIDS.
Mga huling paalala
Kagaya ng nauna nang sinabi, makatutulong ang regular na pagpapasuri sa HIV at iba pang STI para mas maagang matukoy ang mga impeksyon. Nangangahulugan ito na mas maaga kang makakapagpagamot ng mga impeksyon at maiiwasan mong maisalin sa iba pa ang HIV.
Hindi dapat katakutan ang HIV. Ugaliing bumisita sa clinic na nagbibigay ng serbisyong pangsekswal na kalusugan, regular na magpasuri sa lokal na doctor, at bumisita sa lokal na health center sa komunidad.
Maraming tao na ang nawalan ng pamilya, kaibigan, at kabuhayan dahil sa kanilang HIV status. Hindi ito fair o makatarungan, ngunit ang ating bansa ay puno pa rin ng stigma at diskriminasyon. Sa kabila nito, tamang edukasyon tungkol sa paggamot at pag-iwas ang kinakailangan.
Laging tatandaan na ang HIV ay preventable, at hindi rin ito isang death sentence. Protect yourself. Love yourself.