Ang STIs o sexually transmitted infections ay mga sakit na naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik (vaginal, oral, o anal). Kadalasang kumakalat ang STIs sa unprotected sex o hindi paggamit ng condom sa pagtatalik, ngunit pwede ring lumaganap sa iba pang paraan. Ilang halimbawa nito ang chlamydia, gonorrhea o tulo, herpes, human papillomavirus (HPV), syphilis, at human immunodeficiency virus (HIV).
Karamihan sa mga STI na ito ay may calm-before-the-storm effect muna at hindi nagpapakita ng mga sintomas sa mahabang panahon, ngunit kahit walang sintomas ay maaari pa rin itong makaapekto sa kalusugan mo at maipasa sa partner mo.
Alam mo bang lahat ay pwedeng mahawaan o makahawa ng STIs? Wala ‘yan sa edad, kasarian, o sexual orientation! Kaya habang maaga pa, importanteng matuto tungkol sa mga STI para maprotektahan ang sarili at kapwa mo.
Alamin ang mga senyales at sintomas ng mga pinaka karaniwang STI, at kung paano sinusuri at ginagamot ang mga ito:
Chlamydia
Ang chlamydia ay isang STI na kadalasang walang sintomas, ngunit kung hindi magamot kaagad ay maaaring magdulot ng pagkabaog o komplikasyon sa matris ng isang babae. Ang karaniwang senyales ng chlamydia ay di-pangkaraniwang discharge mula sa ari o anus, masakit na pag-ihi, pananakit o pamamaga ng bayag, at vaginal bleeding. Nalalaman ito sa pagpapa-test ng ihi o discharge mula sa ari, at nagagamot ito sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotics sa patnubay ng doktor.
Gonorrhea o Tulo
Halos pareho lamang sa chlamydia ang paraan ng diagnosis, treatment, at mga sintomas ng gonorrhea o tulo, ngunit ang karagdagang sintomas nito ay pananakit ng tumbong o rectum, lalo na sa pagtae. Kapag napabayaan ay maaari itong maging sanhi ng pagkabaog at problema sa pag-ihi.
Herpes
Ang pangunahing sintomas ng herpes ay ang pagkakaroon ng mga makati at/o masakit na paltos o sugat sa bandang ari (genital herpes) o sa bandang bibig o lalamunan (oral herpes). Posible ring makaranas ng mala-trangkaso o flu na sintomas. Ang iba naman ay maaaring walang sintomas.
Matutukoy ang herpes sa pamamagitan ng swab test kung may sintomas, o blood test kung wala.
Mula sa unang outbreak ng impeksyon, ang mga sintomas ng herpes ay nawawala at bumabalik. Kahit mawala ang mga sintomas, nananatili pa rin ang virus sa katawan. Maaaring gamutin ang mga sintomas ng herpes ngunit sa kasamaang palad, wala pang lunas para mapuksa ang mismong virus na nagdudulot ng herpes.
Mahalagang paalala: Pwedeng mahawa sa herpes kahit ‘di makipagtalik o walang penetration. Ilang halimbawa nito ang oral sex at paghalik sa taong positibo sa oral herpes. Posible ring mahawaan ng herpes kung may contact ang virus sa bukas na sugat sa anumang bahagi ng katawan.
Human papillomavirus (HPV)
May dalawang uri ng human papillomavirus (HPV): high-risk at low-risk. Ang low-risk HPV ay maaaring magdulot ng genital warts o mga kulugo/butlig sa may ari, pwet, bibig, o lalamunan. Matutukoy ang genital warts sa pagsusuri ng doktor. Natatanggal ito sa pamamagitan ng mga gamot na pinapahid o laser treatment. Ngunit maaari pa rin itong bumalik hangga’t nananatili ang virus sa katawan. Kaya naman kailangang magpatingin at magpagamot sa tuwing may genital warts para mabawasan ang posibilidad na makahawa sa iba.
Ang high-risk HPV naman ay ang uri na maaaring magdulot ng iba’t ibang klase ng cancer sa ari o lalamunan (halimbawa: anal cancer, cervical cancer, oropharyngeal cancer, penile cancer, vaginal cancer, at vulvar cancer). Karamihan sa nahahawa sa high-risk HPV ay hindi nagpapakita ng anumang sintomas hanggang sa maging cancer na ito. Sa kasalukuyan, ang HPV test na mayroon ay para pa lamang sa cervix ng babae.
Ang bad news ay wala pang lunas para sa HPV. Ang good news ay mayroong bakuna laban dito. Ang edad 9-45 years old ay pwedeng magpaturok ng HPV vaccine bilang proteksyon sa mga uri ng HPV na nagdudulot ng genital warts o cancer. Nirerekomendang magpaturok ng bakuna sa edad 9-14 bago pa man maging sexually active ang isang tao. Ang Department of Health ay mayroon nang programa para sa pagbabakuna laban sa HPV. Maaaring kumonsulta sa local health center sa inyong barangay para malaman kung available ang libreng HPV vaccine.
Syphilis
Kumakalat naman ang syphilis sa pamamagitan ng paghawak sa isang sugat (chancre) o mga warts (condyloma lata) na dulot ng syphilis. Maaaring mahirap makita ang mga ito, kaya may ibang hindi alam na mayroon silang syphilis.
May apat na stages ang syphilis na nagpapakita ng magkakaibang mga sintomas gaya ng mga sugat sa ari o paligid nito. Kapag hindi agarang nagamot ang syphilis, pwede itong umabot sa tertiary stage kung saan posibleng magdulot ng malalang sakit sa puso, utak, at iba pa. Tulad ng mga naunang STI, nagagamot ito ng antibiotics sa patnubay ng doktor.
Human immunodeficiency virus (HIV)
Last but not the least ang pinaka-kilalang STI na human immunodeficiency virus (HIV) na umaatake sa immune system ng isang tao. Hindi lamang sa pakikipagtalik naipapasa ang HIV, ngunit pati rin sa paghihiraman ng karayom sa pagtuturok ng droga o pagpapa-tattoo. Maaari rin tong malipat ng isang ina sa kanyang anak habang nagbubuntis, nanganganak, at nagpapa-breastfeed.
Kadalasang walang nagiging sintomas matapos mahawaan ng virus na ito, ngunit ang iba ay nagkakaroon ng mala flu na sintomas ilang linggo pagkahawa. Kapag napabayaan ito sa loob ng ilang taon, maaari itong humantong sa AIDS (acquired immune deficiency syndrome) kung saan mahinang mahina na ang depensa ng katawan at maaaring magdulot ng mas malalang sakit at impeksyon. Bagamat permanente na sa katawan ang HIV, may mga gamot na maaaring inumin upang hindi na lumala o maipasa ang HIV, at hindi na rin humantong pa sa AIDS.
Click here para sa karagdagang impormasyon sa HIV.
Mga huling paalala
‘Di porket walang sintomas ay walang STI. Dapat regular na magpatest para sa STIs kung sexually active dahil ito lang ang paraan para makumpirma kung may STI o wala. ‘Wag mag-assume dahil tulad ng nabanggit, may mga STI na walang sintomas sa umpisa. Pwedeng feeling ng isang tao ay healthy siya pero hindi na talaga at nakakahawa na rin pala. May mga STI din na may pagkakatulad ng sintomas kaya hindi dapat mag self-diagnose base lamang sa sariling karanasan o nararamdaman. Kailangan ng tamang pagsusuri para angkop ang paggagamot kung sakaling maging positibo.
Ang tanging paraan upang ganap na maiwasan ang mga STI ay ang hindi pakikipagtalik. Kung nakikipagtalik naman, makatutulong na makaiwas sa STI ang tama at palagiang paggamit ng condom, regular na pagpapa-test o check-up ng mag-partner, at ang pagiging stick-to-one sa pakikipagtalik (vaginal, oral, o anal man)!