Ano ang Regla at mga Karaniwang Nararanasan Dito?

Play Video

Kapag ang isang tao ay nagdadalaga, ang mga may matris ay naghahanda sa posibilidad na isang araw, makakabuo ng sanggol. Minsan sa isang buwan, naglalabas ang isa sa iyong dalawang obaryo ng maliit na itlog o ovum sa mga Fallopian tube. Ang uterus o matris ay magsisimulang kumapal sakaling ang itlog ay mapasukan ng punlay. Kapag walang punlay na sasalubong sa itlog, patuloy na bababa ang itlog sa  fallopian tube, at ipapahiwatig sa matris na hindi buntis ang taong iyon kaya hindi kailangan ang dagdag na sapin.

Ilalabas ng matris ang sapin, bilang dugo, at lalabas sa ari. Ito ang tinatawag na – menstruation o pagreregla. Normal na nangyayari ang regla sa pagitan ng edad na~ walo hanggang labintatlo. At may ibang tao, kahit na mas matatanda pa. 

Karaniwang nangyayari ang pagreregla tuwing dalawampu’t isa hanggang tatlumpu’t limang araw at nagtatagal mula dalawa hanggang pitong araw. Ang daloy ng regla ay maaaring malakas, mahina, o katamtaman. Sa unang beses ng pagkakaroon ng regla, maaari itong maging madalas o madalang.

Ang taong nireregla ay maaaring makaranas ng PMS o premenstrual syndrome. Ito ang pisikal at emosyonal na sintomas na nararanasan ng tao isa o dalawang linggo bago magsimula ang kanilang regla kada buwan. Sa panahon ng PMS, maaari mong maranasan ang magka-tigyawat, pamamaga, pagkahapo, pananakit ng likod, pagsakit ng suso, sakit ng ulo, hirap sa pagdumi, pagtatae, pagkagusto sa pagkain, depresyon, pagiging sumpungin, hirap sa pagtuon ng pansin, hirap sa pagharap sa problema, o hirap sa pagtulog. 

Pero hindi lahat nakakaranas ng mga ito. At karaniwang nawawala ang halos lahat ng mga sintomas na ito pag nagsimula na ang iyong regla.

Sa panahon ng  regla, maaaring maranasan ang pananakit ng puson. Maaaring magsimula ito isa o dalawang araw bago ang iyong regla at maaaring magtagal dalawa hanggang apat na araw. Ito ay resulta ng paggalaw ng matris kapag sumisikip at lumuluwag ang matris para mapadaloy ang sapin nito. 

Habang nakakaranas ang iba ng PMS o pananakit ng puson, ang iba naman ay hindi. Normal ang alinman doon. Ang pagkakaroon ng regla ay normal na bahagi ng pagdadalaga at mahalagang pangyayari sa iyong pagbabago tungo sa pagtanda. 

Sa tulong ng Austrian Embassy Manila, mayroon na tayo ngayong mga libre at tamang impormasyong tungkol sa sexual at reproductive health — sa wikang mas pamilyar sa atin– sa pamamagitan ng mga Amaze.org videos na isinalin sa Tagalog!

——————

I-like, i-share, at mag-subscribe sa Ugat ng Kalusugan Youtube Channel para updated ka sa mga bagong videos.