Ang regla ay normal na pagdurugo ng ari ng babae na nangyayari bilang bahagi ng kanyang buwanang cycle. Tinatawag din itong period, buwanang dalaw, o menstruation.
Bawat buwan, naghahanda ang katawan ng isang taong may matris para sa pagbubuntis. Kung walang pagbubuntis, ang matris o sinapupunan, ay naglalabas ng lining nito. Ang menstrual blood ay ang napilas o nalagas na tissue mula sa lining ng matris.
Bakit nangyayari ang pagreregla?
Nagsisimula ang pagreregla sa pag-uutos ng iyong pituitary gland (malapit sa utak) na magpahinogng itlog ang mga obaryo. Ang prosesong ito ay tinatawag na ovulation. Isang itlog ang ilalabas at maglalakbay sa fallopian tube hanggang sa marating nito ang matres. Kakapal din ang dingding ng matres bilang paghahanda sa paglalagyan ng pertilisadong itlog. Kung ang itlog naman ay ‘di napertilisa ng sperm, ito ay lalabas mula sa katawan, kasama na rin ang kumapal dingding o lining ng matris. Ito ang regla.
Panoorin mo ang video na ito para mas maintindihan mo pa lalo ang proseso ng pagreregla!
Kailan ako unang magreregla at ano ang aking gagawin ‘pag ako’y niregla na?
Kadalasang rereglahin sa unang pagkakataon ang isang nagdadalaga pagkatapos magsimulang lumaki ang suso. Ang pagdating ng unang regla ay kadalasang nangyayari sa pagitan ng edad na 12 at 13, pero pwede ring mapaaga o mahuli ang pagdating nito.
Magsisimula ka nang magsuot ng sanitary napkin o tampon ‘pag nireregla na ang isang tao. Huwag mahiyang magtanong sa nanay, ate, o kaibigan tungkol sa regla. Normal itong proseso ng katawan kaya huwag matakot na matutunan pa ang mga bagay tungkol dito.
Kadalasan, ang pagitan ng iyong unang regla hanggang sa simula ng iyong panibagong regla ay 28 araw. Pero hindi laging nasusunod ang schedule na ito sa bawat babae, at normal lang ito.
Ano ang tampon at saan ito mabibili?
Naiintindihan namin kung ‘di ka pa masyadong pamilyar sa tampon kasi nga mas kilala o mas madalas na ginagamit sa Pilipinas ang sanitary napkin. Kung ang napkin ay nilalagay sa’yong panty, ang tampon naman ay pinapasok sa loob ng ‘yong ari o vulva. May mga tampon na gawa sa nakarolyong tela o natural na spongha na pwede ulit magamit at meron naman mga gawa sa artipisyal na mga bagay na isang beses lang dapat gamitin. Mabibili ang tampon sa kahit saang botika!
Narito ang isang tutorial video na pwede mong mapanood para magabayan ka sa tamang paggamit ng tampon. Alam naming medyo weird ang maglagay ng isang bagay sa loob ng iyong ari, pero sabi nga nila, practice makes perfect! Sanayan lang iyan.
Kailan ako dapat magpalit ng sanitary napkin o tampon?
Magpalit kaagad ng napkin kada apat na oras, o bago pa ito tuluyang mapuno ng dugo. Mararamdaman mo naman kung dapat mo na ba talagang palitan ang iyong napkin. Ang tampon naman ay kadalasang dapat palitan kada 4 hanggang 8 oras.
Minsan ay maaga o huli ang dating ng aking regla. Ano ang aking gagawin?
Normal lang na maging iba-iba ang dating ng regla sa bawat babae lalo na sa unang dalawang taon mula sa unang regla, kaya ‘wag mag-panic. Habang tumatanda, posibleng mas magiging regular na ang pagdating ng regla.
Normal din na iba-iba ang tagal ng pagreregla ng isang babae. Merong nireregla ng dalawang araw lang, at yung iba naman ay inaabot ng isang linggo! Kung talagang ‘di mawala-wala sa isip mo ang pagiging irregular ng iyong regla e pwede ka namang kumonsulta sa isang doktor.
Ano ang aking gagawin kapag sumasakit ang aking puson tuwing ako’y nireregla?
Ang pagsakit ng puson ay tinatawag na dysmenorrhea o menstrual cramps. Dahil sobra ang paggawa ng katawan ng mga hormones, hindi napipigilan ng mga musclesl ng bahay-bata o uterus na mag-contract o makaranas ng tensyon. Posible ring makaramdam ng sakit sa likod, pakiramdam ng panandaliang paglobo, pagkahilo, pagtatae, at pagkapagod. Normal lang ang mga ito.
Maaaring gumamit ng mga ito upang maibsan ang sakit:
- Hot compress (o bimpo na may mainit na tubig). Ilagay lang ito sa bandang puson.
- Painkillers tulad ng mefenamic acid, ibuprofen, Hyoscine-N-butylbromide o paracetamol
- Contraceptive pills (kumunsulta sa isang health care provider para sa tamang paggamit)
Kung sobra-sobra na ang pananakit, kumunsulta na sa isang OB-Gyne.
Ano ba yung PMS na naririnig-rinig ko?
Ang ibig sabihin ng PMS ay premenstrual syndrome na madalas nararamdaman ng isang tao bago ka datnan ng regla. Karaniwanng mararamdaman ang pagka-irita, hirap sa pagtulog, pagkabalisa, pagiging mas sensitibo o madamdamin, at medyo matinding paghangad na kumain ng ilang pagkain o yung tinatawag na food cravings. Huwag mag-panic kasi normal lang na makaramdam ng mga ganito!
Dapat ko daw ipahid o ihilamos ang unang regla ko sa aking mukha para ito’y kuminis?
Huwag na huwag mo ‘yang gagawin at ‘wag tayong basta-bastang maniwala sa mga pamahiin. Ang regla ay may mga bacteria na ‘di mainam para sa iyong balat. Mas lalong hindi kikinis ang mukha mo ‘pag ginawa mo ito. Sabihin mo na rin ito sa iba!
Madumi raw na dugo ang regla kaya ito kailangang ilabas ng katawan?
Ang regla ay hindi madumi na parang lason na kailangang ilabas ng iyong katawan. Sa katunayan ay mayaman pa nga ito sa iron. Ang regla ay nagiging madumi lang ‘pag nasa labas na ito ng iyong katawan dahil dadami na ang bacteria na nandito.