Ang PMS o premenstrual syndrome ang madalas mararamdaman bago dumating ang regla. Karaniwang nararamdaman dito ang pagka-irita, hirap sa pagtulog, pagkabalisa, pagiging mas sensitibo o madamdamin, at food cravings, o ang medyo matinding kagustuhang kumain ng ilang pagkain.
Huwag magpa-panic dahil normal lang na makaramdam ng mga ganito. Tinatantya na tatlo sa bawat apat na taong nireregla ang nakakaranas ng PMS.
Halos pare-parehas lang ang ilang mga sintomas ng PMS. Ngunit ang ilang mga pisikal at emosyonal na iyong nararanasan sa PMS ay maaaring mag-iba-iba mula sa bahagyang kapansin-pansin hanggang sa severe. Gayunpaman, hindi mo kailangang hayaang kontrolin ng mga sintomas na ito ang iyong buhay.
Mga sintomas ng PMS
Mahaba ang listahan ng iba’t ibang mga palatandaan at sintomas ng PMS, kabilang dito ang mga sumusunod:
Mga emosyonal at behavioral na sintomas
- Pagkabalisa o anxiety
- Depressed na mood
- Mga crying spells o pag-iyak nang walang dahilan
- Mood swings at pagkamayamutin o galit
- Mga pagbabago sa gana sa pagkain
- Problema sa pagtulog o insomnia
- Social withdrawal
- Mahinang konsentrasyon
- Pagbabago sa libido
Mga pisikal na palatandaan at sintomas
- Pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan
- Pananakit ng ulo
- Fatigue o pagkapagod
- Pagbigat ng timbang
- Panlalambot ng suso o dibdib
- Hindi makadumi, o madalas na pagtatae
- Pagdami ng tigyawat o acne
Paano kung hindi ko na kinakaya ang PMS?
Kung hindi mo na kayang i-manage ang iyong PMS at kung ang mga sintomas nito ay lubha nang nakakaapekto sa iyong kalusugan at pang-araw-araw na pamumuhay, magpatingin ka na sa iyong doktor.
Bakit may PMS?
Hindi pa alam kung ano ang eksaktong sanhi ng PMS, ngunit may mga kadahilaan na maaaring mag-ambag sa pagkakaroon nito. Ito ang ilan sa mga sanhi nito:
- Sex hormones. Sanhi ang pagbabago ng bugso ng hormones sa katawan ang pagkakaroon ng PMS, at nawawala rin ang mga sintomas kapag nagbubuntis o sa menopause.
- Mga chemical changes sa utak. Ang mga pagbabagu-bago ng bugso ng serotonin, isang chemical sa utak na may mahalagang papel sa mood, ang sinasabing maaaring mag-trigger ng mga sintomas ng PMS. Ang hindi sapat na dami ng serotonin ay maaaring dahilan ng premenstrual depression, gayundin sa pagkapagod, cravings sa pagkain, at insomnia.
- Depresyon. Ang ilang mga kababaihan na may malubhang PMS ay may hindi matukoy na depresyon, subalit ang depresyon ay hindi nag-iisang sanhi ng lahat ng mga sintomas ng PMS.