Kung gusto mo ng contraceptive na pangmatagalan ang epekto at wala nang masyadong aalalahanin pa ay posibleng ang IUD nga ang para sa iyo.
Ang copper Intrauterine Device o IUD ay epektibo ng 10 hanggang 12 taon, at ito ay mahigit 99% na epektibo. Isa itong barrier contraceptive na hugis letrang T at gawa sa plastic na ipinapasok sa matris. Binabago ng IUD ang komposisyon ng dingding ng matris para hindi makatagpo ng semilya ng lalaki ang itlog ng babae at makaiwas sa pagbubuntis. Matagal ang epekto ng isang IUD ngunit maaari rin naman itong ipatanggal mula sa katawan kahit anong oras.
Napipigilan ng IUD ang hindi planadong pagbubuntis, ngunit hindi ito proteksyon laban sa mga sakit na naihahawa sa pakikipagtalik. Kaya ang pinakamainam talaga ay ang paggamit nito AT ng condom para doble proteksyon.
Paano ginagamit ang IUD?
Ang IUD ay ipinapasok sa matris ng isang babae sa tulong ng isang doktor o nars. Napakasimple lang ng proseso ng pagpasok ng IUD sa katawan ng isang babae. Mga 15 minuto lang ay tapos na.
Pwede kang pumunta sa isang ospital, clinic, o health center para matulungan ka ng isang doktor o nars na malagyan ng IUD. Iba-iba ang presyo ng paglalagay ng IUD, may abot-kaya, may mahal. Pero huwag ka nang mag-alala dahil pwede ka namang makipag-ugnayan dito sa amin sa Ugat ng Kalusugan tungkol sa paglalagay ng IUD. Libre pa ang aming mga serbisyo!
Narito ang ilan pang kaalaman tungkol sa IUD
Pwede ba akong magpalagay ng IUD kahit ako’y nireregla?
Oo naman, pwedeng pwede. Tutulungan ka naman ng isang doktor o nars sa paglalagay nito kaya ‘wag kang mag-alala kung may mga alinlangan ka. Nandiyan lang sila para gabayan ka!
Kailan ko pwedeng ipatanggal ang IUD mula sa aking katawan?
Kahit anong oras ay pwede mo ipatanggal ang IUD sa isang trained health care worker. Iyan ang kagandahan ng IUD. Kailangan din itong tanggalin kapag wala na itong bisa.
Masakit ba magpalagay ng IUD?
Makakaramdam ka ng panandaliang sakit o cramping habang nilalagay ito sa iyong katawan. Huwag kang mag-alala dahil normal lang na makaramdam nito at ilang segundo lang naman ang itatagal ng sakit. Pero alam mo ang mas masakit? Ang manganak nang hindi handa. Nandiyan naman ang isang doktor o nars na maglalagay ng IUD sa loob ng katawan mo para alalayan ka.
Pwede na ba akong magpalagay ng IUD kahit kakapanganak ko pa lang?
Pwede naman, pero karamihan sa mga doktor ay nagihihintay ng 6 na linggo mula nang manganak ang isang babae bago siya lagyan ng IUD. Kausapin mo na lang ang iyong doktor para malaman mo kung ano ang mas makakabuti sa iyo.
Mararamdaman ba ng partner ko ang IUD kapag kami ay nagtalik?
Bihirang-bihira. Pero kung sakali mang may maramdaman nga ang iyong partner ay pwede mo namang ipaikli sa’yong doktor ang taling nakakabit sa’yong IUD.
Mahirap bang ipatanggal ang IUD?
Hindi naman. Kayang-kayang matanggal ang IUD sa isang katawan nang hindi hihigit sa isang minuto.
Posible ba akong mabuntis muli kapag pinatanggal ko na ang aking IUD?
Oo naman. Kung wala ka namang ibang health issues o problems na magpapahirap sa iyong mabuntis ay babalik ulit ang kapasidad mong mabuntis kapag tinanggal na ang IUD mula sa iyong katawan.
Posible bang lumabas nang hindi sinasadya ang IUD mula sa loob ng aking katawan?
Napakaliit na posibilidad na ito ay mangyari, mga 2-3% lang. Mas tataas ang tsansang lumabas nang hindi sinasadya ang IUD kapag ito’y nilagay pagkatapos na pagkatapos mong manganak.