Ano ang Contraceptive Implant?

CA19 Contraceptive Implant

Ang implant ay maliit at flexible na plastic na kasing-laki lang ng isang palito ng posporo na inilalagay sa ilalim ng balat sa may ilalim na bahagi ng braso ng isang babae. Ang isang implant ay isang halimbawa ng long acting reversible contraceptive o LARCs. Naglalabas ito ng hormones na makakapigil sa pagbubuntis ng hanggang tatlong taon. 

Pinipigilan ng implant ang obaryo ng isang babae na maglabas ng itlog, at pinapakapal din nito ang cervical mucus sa may kwelyo ng matris para hindi magkatagpo ang semilya at ang itlog.  At tulad ng IUD, pwede ring ipatanggal ang implant mula sa katawan anytime.

Kung gusto mong hindi mabuntis nang hanggang 3 taon at wala nang masyadong inaalala, malamang ay ang implant ang para sa iyo. Hindi naman ito para sa’yo kung ikaw ay may pulmonary tuberculosis o HIV.

Tandaan na pagbubuntis lamang ang kayang pigilan ng implants. Hindi nito mapipigilan ang pagpasa ng mga nakakahawang sakit sa’yo. Kaya ang pinakamainam talaga ay ang paggamit nito AT ng condom para doble proteksyon!

Upang makapagpalagay ng implant, pumunta ka lang sa isang ospital, health center o klinika. Libre ring naglalagay ng implant ang Ugat ng Kalusugan, kaya bumisita lang sa aming klinika!

@rootsofhealth_

##familyplanning ##Contraceptive ##Implant

♬ original sound – rootsofhealth_


 

Ano ang mga pros at cons ng paggamit ng implant?

Pros

Ang implant ay nasa loob lang ng iyong katawan. Wala ka nang aalalahanin pa. Higit sa 99% ka-epektibo sa pagpigil ng pagbubuntis ang isang implant, mas magaling pa kaysa sa birth control pills at injection. Hindi rin siyempre kita ang implant sa iyong katawan dahil nasa ilalim ito ng iyong balat.

Cons

Bukod sa hindi ka nito mapoprotektahan mula sa mga STIs o sakit na dulot ng hindi protektadong pakikipagtalik, pwede rin itong magdulot ng irregular na pagdurugo, mabigat na pagreregla, o walang regla. Normal lang ang paghina o kawalan ng regla at wala itong masamang epekto sa katawan. 

Narito ang ilan pang kaalaman tungkol sa implant

Paano pinapasok ang implant sa katawan? Masakit ba? 

Hindi masakit ang paglalagay ng implant dahil lalagyan ka naman ng pampamanhid bago ito ipasok sa katawan mo.

Pagkatapos ay gagamit ang isang doktor o nars ng isang tool na magtutulak sa implant papasok sa isang material na parang karayom. Makakaramdam ka nang paghihila at kaunting kirot, pero sandaling-sandali mo lang itong mararamdaman. Wala pang tatlong minuto ay tapos na ang buong proseso nang paglalagay ng implant sa’yong katawan. Ang mas maganda pa ay ligtas ka na sa pagbubuntis sa loob ng 3 taon.

Pwede ba akong magpalagay ng implant kahit na ako’y nireregla?

Pwede naman, walang problema. Tutulungan ka naman ng isang doktor o nars sa paglalagay nito kaya todong-gabay ang maibibigay nila sa’yo.

Kailan ko pwedeng ipatanggal ang implant?

Kahit anong oras, pwede mo itong ipatanggal. Iyan ang kagandahan ng implant. Syempre ay kailan na rin itong tanggalin ‘pag wala na itong bisa.

Mahirap ba itong ipatanggal?

Hindi naman. Kayang-kayang matanggal ang implant sa isang katawan nang ilang minuto lang. 

Mabubuntis ba akong muli kapag pinatanggal ko ang aking implant?

Oo. Kung wala ka namang ibang health issues o problems na magpapahirap sa’yong mabuntis ay babalik ulit ang kapasidad mong mabuntis kapag tinanggal na ang implant sa iyong katawan.

Kakapanganak ko pa lang. Pwede na ba akong magpalagay ng implant?

Pwede ka nang magpalagay ng implant 6 na linggo pagkatapos manganak may regla man o wala. Ganun din kung ikaw ay nagpapasuso pwede ring magpalagay 6 na linggo mula nang ikaw ay manganak.