Ang condom ay isang manipis na pantakip na isinusuot sa isang matigas na titi. Ito lang ang klase ng contraceptive na posibleng makapigil sa pagbubuntis at sa pagpasa ng mga nakakahawang sakit tulad ng HIV. Kaya ugaliing gumamit ng condom, kahit na anong klase pa ng pagtatalik ang gusto mong gawin.
May iba’t-ibang klase ng laki at kulay ang condoms, kaya siguraduhing ito ay kasya sa iyo. May mga condoms din na lubricated na o meron ng pampadulas kaya mas komportable silang gamitin sa tuwing nakikipagtalik ang isang lalake. Huwag kalimutan na tanging mga pampadulas lamang na water-based ang pwedeng gamitin sa mga condoms na gawa sa latex.
Gaano ka-epektibo ang condom?
Ang mga condoms ay 85-98% effective. Kadalasang nagkakaproblema lang dahil mali ang ilang tao sa paggamit ng condoms. Tandaan magiging epektibo lamang ang condom kapag tama ang paggamit nito.
Paano gamitin ang condom?
Una sa lahat, kausapin mo muna ang partner mo tungkol sa paggamit ng condom bago kayo magtalik.
- Bago mo gamitin ang condom ay siguraduhing wala kang suot na matulis na pwedeng makapunit dito, tulad ng singsing. Check mo na rin kung expired na ba o hindi pa ang condom na gagamitin mo. Makikita mo naman ito sa box o sa sachet kung saan nakalagay ang condom. Huwag na huwag gagamit ng expired na condom.
- Dahan-dahan din sa pagpunit ng pakete kung saan nakalagay ang condom. Huwag gumamit ng anumang matutulis na bagay tulad ng gunting, kutsilyo, at huwag ding gagamitan ng ngipin. Mahirap na dahil baka butas na pala o mabutas mo ang condom na gagamitin mo o ng partner mo.
- Hawakan ang dulo o tip ng condom para hindi mapasukan ng hangin na maaari ding ikaputok nito kapag napasukan ng hangin. Dahan-dahan itong irolyo hanggang sa pinakaibabang parte ng matigas na titi. Kung kumportable at kasya ang condom, maaari ka nang makipagtalik.
- Pagkatapos makipagtalik ay hawakan nang maigi ang pabilog na dulo ng condom at dahan-dahang hugutin ang titi mula sa vagina o anus para walang tatagas na semilya. Isang beses lang pwedeng gamitin ang isang condom. Ibalot sa tissue o papel ang gamit nang condom at itapon ito sa basurahan.
Kung gusto mo ng karagdagang gabay, may mga tutorial videos at images sa Internet na pwede mong mapanood para makita mo kung paano ba ito isinusuot nang tama.
Saan ako makakakuha ng condom?
Makakakuha ka ng libreng condom sa ospital, health center, at sa reproductive health clinics gaya ng Ugat ng Kalusugan. May mga condom din na mabibili sa mga botika at iba pang tindahan. May mga mura, may mga mahal.
Ano ang mga benepisyong makukuha sa paggamit ng condom?
Gaya ng nabanggit, ang condom ang tanging 2-in-1 na contraceptive. Pwede nitong mapigilan ang pagbubuntis at pagpasa ng mga nakakahawang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Maari ring makatulong ang condom na patagalin ang pagiging matigas ng titi.
Totoo bang nakakabawas sa sarap ng pakikipagtalik ang paggamit ng condom?
Depende ‘yan sa tao. Tandaan na panandalian lang ang sarap na madarama mo sa pakikipagtalik. Mas maiging isipin mo na hindi ka makakabuntis at hindi ka magkakaroon ng mga nakakahawang sakit tulad ng HIV at tulo. Para makadagdag sa sarap ng pakikipagtalik, gumamit ng water-based lubricant. Kausapin din ang makakatalik kung ano pwede niyong gawin upang maging enjoyable at safe pa rin ang pakikipagtalik.
Posible bang mapunit ang condom?
Posibleng-posibleng mapunit ang condom kapag mali ang paggamit nito. Ugaliing i-check ang expiration date ng condom. Dahan-dahan din sa pagpunit ng pakete kung saan nakalagay ang condom. Isuot nang mabuti ang condom. Marami ring mga tutorial videos at images na makikita sa Internet na gagabay sa’yo kung paano dapat isuot ang isang condom. Tandaan na gumamit lamang ng pampadulas na water-based para ‘di ito mapunit.
Hindi rin magandang ilagay nang pangmatagalan ang condom sa pitaka o sa mga bulsa-bulsa ng iyong damit o pantalon dahil posibleng makaapekto ito sa kalidad ng condom. Magandang nakalagay o nakatago ang condom sa isang lugar na normal lang ang temperatura, yung tipong hindi sobrang init, hindi sobrang lamig.
Ano naman ang tinatawag na lubricant?
Ang lubricant, lube, o pampadulas ay isang madulas at kadalasa’y malinaw na likido na pwedeng makatulong para hindi mapunit ang isang condom habang nakikipagtalik. Nakakatulong din ang paggamit ng lubricant para mas masarap ang pagtatalik at hindi makaramdam ng iritasyon dahil sa pagkikiskisan ng balat.
Gumamit lamang ng water-based na mga lubricants o pampadulas. Huwag na huwag gumamit ng petroleum jelly, baby oil, body lotion, vegetable oil, at iba pang klase ng oil-based na pampadulas dahil posible itong makapunit sa isang condom. Ang pinaka-natural na water-based lubricant ay laway, meron ding mga nabibili sa botika o pharmacy.
Hindi pa ako 18 years old, pwede na ba akong makabili o gumamit ng condom?
Pwede, pero dapat ay may konsent mula sa iyong magulang o legal guardian. Oo, alam namin na dyahe, pero pwede ka namang makipag-ugnayan sa amin sa Ugat ng Kalusugan para mas lalo ka pa naming magabayan.