Ang cervical cancer ay isang uri ng kanser na nabubuo sa cervix ng isang babae. Pangalawa ito sa pinakakaraniwang uri ng kanser sa kababaihan. Araw-araw, nasa 12 babae sa Pilipinas ang namamatay dahil sa cervical cancer ngunit maaari itong maiwasan at maagapan kung maagang matutuklasan.
Bakit Nagkakaroon ng Cervical Cancer?
Ang pangunahing sanhi ng cervical cancer ay ang impeksyon mula sa Human Papillomavirus (HPV), isang karaniwang virus na naipapasa sa pamamagitan pakikipagtalik nang walang gamit na proteksyon.
Mayroong lagpas 200 na uri ng HPV. Karamihan sa mga ito ay nalalabanan ng immune system at nawawala sa loob ng 1-2 taon. Kaya lang, 12 sa mga ito ang kino-consider na high risk dahil maaaring magdulot ng mga cancer katulad ng cervical cancer.
Mahalagang tandaan na ang mga lalaki ay carriers din ng HPV at maaari din silang mag-develop ng anal cancer at kanser sa bahagi ng lalamunan.
Mga Sintomas ng Cervical Cancer
Kadalasang walang sintomas sa simula ang HPV. Malalaman mo lang na mayroon kang nakuhang high risk type nito kapag nag-develop ito sa agresibong uri ng cancer na pwedeng abutin ng hanggang 20 taon bago lumabas.
Kahit ang cervical cancer ay maaaring walang sintomas sa umpisa. Pero kapag lumalala na ito, maaaring makaranas ang babaeng mayroon nito ng:
- Pananakit habang nakikipagtalik at pagdurugo pagkatapos nito
- Hindi normal na pagdurugo ng puwerta (halimbawa, sa pagitan ng buwanang dalaw at kahit menopause na)
- Pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan o balakang
- Hindi pangkaraniwang discharge mula sa puwerta (halimbawa, matubig, malakas, ay discharge na may kakaibang amoy)
Paano Maiiwasan ang Cervical Cancer?
- Magpabakuna laban sa HPV – Ang HPV vaccine ay ligtas at epektibong paraan upang maiwasan ang impeksyon mula sa virus na nagdudulot ng cervical cancer.
- Regular na Pap Smear at HPV Testing – Tumutulong ang mga pagsusuring ito na matukoy kung may mga abnormalidad sa cervix bago pa man maging kanser. Ang pap smear ay inirerekomendang gawin kada 3 taon para sa mga babaeng edad 21 hanggang 65. Pero may iba rin na ipinagagawa ito kada taon. Samantalang ang HPV test naman ay inirerekomenda para sa mga edad 30 pataas kada 5 taon.
- Iwasan ang paninigarilyo – Ang paninigarilyo ay nagpapataas ng panganib ng pagkakaroon ng cervical cancer.
- Siguraduhing protektado kapag nakikipagtalik – Gumamit ng proteksyon gaya ng condom at limitahan ang bilang ng sexual partners. Mas mainam kung monogamous, o isa lang ang sexual partner.
Sinong Pwedeng Magpabakuna
Ang HPV vaccine ay ligtas at maaaring ibigay sa:
- Mga kabataan – Inirerekomenda ito para sa mga batang babae at lalaki na nasa edad 9 hanggang 14 taon, bago pa man sila magsimulang maging aktibo sa pakikipagtalik.
- Kabataan at matatanda – Maaaring magpabakuna hanggang sa edad 26 taon kung hindi pa nabakunahan.
- Mga edad 27 hanggang 45 taon – Sa ilang kaso, maaari ring magpabakuna ang mga nasa ganitong edad. Makipag-usap sa doktor upang malaman kung ito ay naaangkop para sa iyo.
Mas epektibo ang bakuna kapag ito ay ibinigay bago pa magkaroon ng exposure sa HPV. Kaya mahalaga ang maagang pagbabakuna para sa proteksyon laban sa cervical cancer at iba pang sakit na dulot ng HPV.
Bakit Mahalaga ang Maagang Pagsusuri?
Ang maagang pagtuklas ng cervical cancer ay nagbibigay ng mas mataas na tsansa para sa matagumpay na gamutan. Ayon sa mga eksperto, karamihan sa mga kaso ng cervical cancer ay nagagamot kung matutuklasan sa maagang stage.
Mga Huling Paalala
Ang kalusugan ay mahalaga. Huwag mahiyang magpakonsulta sa doktor na obstetrician-gynecologist at magpasuri nang regular. Maaari ding magtungo sa mga pampublikong health center na nagbibigay ng libreng serbisyo. Kung taga Palawan, bisitahin ang Ugat ng Kalusugan Clinic para sa pap smear service. Libre ang procedure at may kaakibat lang na 200 lab processing fee para sa aming partner laboratory.
Ang kaalaman at aksyon ay susi para labanan ang cervical cancer. Magpabakuna, magpasuri, at alagaan ang iyong sarili.