New fear unlocked ba ang tuli? O baka naman nadala ka lang sa mga sabi-sabi? Natural lang na mabahala sa mga bagay na hindi natin lubos na nauunawaan. Isa-isahin natin ang mga karaniwang haka-haka tungkol sa tuli. May katotohanan ba ang mga ito o imahinasyon lang pala?
CHISMIS #1: Sa tuli, pinuputol ang ulo ng titi at kusa na lang itong tutubo muli.
Kung ito ang akala mong gagawin sa pagtutuli, hindi katakang-takang maraming lalaki ang takot magpatuli! Una sa lahat, hindi pinuputol ang ulo ng ari sa pagtutuli. Ang tuli ay medical procedure na isinasagawa ng bihasang doktor kung saan binabawasan lang ang balat na tumatakip sa ulo ng titi (foreskin). Kumbaga sa hotdog, tinatanggal lang nang bahagya ang casing o balot nito. Hindi ito hinihiwa na parang isasahog sa spaghetti!
Pangalawa, ang tao ay hindi naman tulad ng butiki na kapag naputol ang buntot ay magre-regenerate o tutubong muli ang parteng ito. Permanent na ang epekto tuli, kaya kahit na part lang ng balat ang tinatanggal at itinatahi, dapat pa rin itong pag-isipan.
CHISMIS #2: Lalaki ang ari pagkatapos magpatuli.
Ang sukat ng titi ng taong ipinanganak na lalaki ay nakabase sa genetics o namamanang katangian mula sa magulang. Sa pagtutuli, tinatanggal lang ang foreskin o balat na nakabalot sa dulo ng titi. Wala itong mala-Titan effect sa ari!
CHISMIS #3: Tatangkad ‘pag nagpatuli.
Gustuhin man ang mas mataas na height, hindi nagdudulot ng pagtangkad ang pagpapatuli. Ang pinakamalaking impluwensya sa height ng isang tao ay genetics din gaya ng nabanggit sa CHISMIS #2. Sa Pilipinas kasi, karaniwang nagpapatuli habang puberty o nagbibinata. Sa panahon ding ito madalas nararanasan ang growth spurt o biglaang pagtangkad, kung kaya’t napagkakamalan ng iba na tuli ang rason ng pagtangkad. Sa totoo, nagkataon lang ‘yon! Puberty talaga ang dahilan ng dagdag sa height.
CHISMIS #4: “Mangangamatis” ang ari kapag nakita ng isang babae ang bagong tuli.
Ano nga bang ibig sabihin ng pangangamatis sa konteksto ng tuli? Ang bagong tuli na titi kasi ay pwedeng mamaga o mamula na parang kamatis. ‘Wag agad mag-panic dahil normal lang itong pagdaanan ilang araw matapos ang operasyon.
Natural na parte ng paghilom ng sugat ng bagong tuli ang pamamaga ng titi sa umpisa–makita man ‘yan ng isang babae o hindi. Kung maayos ang pag-aalaga sa bagong tuli na ari, huhupa din ang pamamaga nito at gagaling. Kung hindi nababawasan ang pamamaga o lumala pa ito, pwedeng sign ito ng impeksyon at dapat nang ipatingin sa doktor. Sundin nang maigi ang payo ng doktor at aftercare tips sa bagong tuli para maiwasan ang anumang komplikasyon.
CHISMIS #5: Hindi makakabuntis kung hindi tuli.
FAKE NEWS! Kahit hindi tuli ay pwedeng makabuntis. Tanggalin man o hindi ang foreskin ng titi, hindi ito nakakaapekto sa pertilidad o kakayahang makabuntis ng isang lalaki. Tuli man o hindi, gumamit ng epektibong contraceptive gaya ng condom kung hindi pa planong magka-baby at para makaiwas sa sexually transmitted infections gaya ng HIV.
CHISMIS #6: Hindi ka “tunay” na lalaki kung hindi ka tuli
Ang pagiging lalaki ay hindi nakakulong sa pagkakaroon ng titi, at lalong hindi mahalaga rito kung tuli man ang ari o hindi. Kaya naman hindi dagdag o kabawasan sa halaga ng tao ang pagpapatuli o anumang medical procedure.
Ang sabi-sabi na ito ay isang uri ng gender stereotype o tradisyunal na pagtingin sa pagkalalaki o pagkababae. Ito ay mga nakasanayang pananaw ng lipunan sa kung ano ang dapat o hindi dapat batay sa kung anong kasarian tayo ipinanganak. Nakasanayan man, hindi ito batas. Dahil hindi rin nito sinasalamin ang iba’t ibang realidad at karanasan ng mga tao.
CHISMIS #7: Kailangan ang dahon ng bayabas sa pagpapagaling ng bagong tuli.
Maaaring narinig mo na sa mga nakatatanda ang paggamit ng tubig mula sa pinakuluang dahon ng bayabas para ipanghugas o ipanglinis ng bagong tuli. Ano nga ba ang scientific basis nito?
Batay sa pag-aaral ng mga scientist, ang dahon ng bayabas at mayroong antibacterial properties o katangian na nakatutulong labanan ang ilang uri ng bacteria na nagdudulot ng impeksyon. Kaya naman posibleng mapabilis ang proseso ng paghilom ng sugat kung gagamitin ito sa bagong tuli.
Gayunpaman, hindi kailangang mabahala kung walang puno ng bayabas sa bakuran. Sundin lang ang payo ng doktor mo kung paano ang tamang pag-aalaga sa bagong tuli. May iba pang paraan na nirerekumenda. Narito ang ilang aftercare tips.