Kapag nakita ng doktor o midwife na may titi ang bata, sinasabing lalaki ang sanggol. At kapag puke naman ang kanyang nakita, sinasabing babae ang sanggol. Alin pa man, ang kasariang itinalaga pagkapanganak ay tinatawag na sex assigned at birth.
Para sa ilang mga tao, maaaring magkaiba ang kanilang sex assigned at birth sa kanilang pagkakakilanlang pangkasarian. Ang pagkakakilanlang pangkasarian o gender identity ay kung paano kinikilala at nakikita ng isang tao ang kanyang kasarian batay sa kanyang pagtingin sa sarili.
Karamihan sa mga taong assigned female at birth ay kinikilala ang sarili nila bilang babae. At karamihan sa mga taong assigned male at birth ay kinikilala rin ang sarili nila bilang lalaki. Ang tawag sa kanila ay cisgender.
Transgender naman ang tawag sa uri ng gender identity ng isang taong iba ang gender identity sa assigned sex at birth.
Minsan, hindi sapat ang dadalawang depinisyon na binibigay ng lipunan para ilarawan kung ano talaga ang pagkakakilanlan o panloob na identidad ng isang tao. Para sa mga taong nakadarama nito, maaari nilang ilarawan ang sarili nila bilang genderqueer, gender fluid o gender non-binary. Ang mga taong kinikilala ang sarili nila bilang genderqueer o gender non-binary ay maaaring nakikita ang sarili nila bilang parehong babae at lalaki o di kaya naman ay wala sa dalawa.
Bagamat marami ng terminolohiyang magagamit ngayon para ilarawan ang iba’t ibang uri ng kasarian, hindi mo kailangang bigyan ng label ang iyong sarili o mag out kung hindi ka handa. Maaaring makaramdam ka ng pag-aalinlangang ibahagi sa iba ang impormasyong ito tungkol sa iyong sarili. Tanging ikaw lamang ang higit na nakakakilala sa iyong sarili at nakakaalam kung kailan ito dapat ibahagi sayong mga kaibigan at kapamilya.