Pagtigas ni Pototoy: Ano, paano, at bakit normal lang ito

Pagtigas ni Pototoy: Ano, paano, at bakit normal lang ito

“Ang laki na ni Junior!” ‘Yan ang madalas sabihin kapag nasa puberty na ang isang taong ipinanganak na lalaki. Pero hindi lang height ang lumalaki. Ano pa nga ba?

Ano ang erections, ejaculations, at wet dreams?

Karaniwan unang nararanasan ang mga ito kapag nasa puberty ang isang taong may titi dahil sa panahong ito nagmamature ang reproductive system. Isa-isahin natin!

Erections 

Malambot ang titi sa normal nitong estado. Ang erection ay paglaki, pagtigas, at pagtindig ng titi dahil sa paglakas ang daloy ng dugo sa parteng ito (Ngunit tandaan: wala itong laman na buto). 

Kadalasan itong nangyayari kapag nalilibugan, horny, o na-a-arouse, pero maaari rin na tumigas ang titi nang walang dahilan. Pwede ring magising nang matigas ang titi o tinatawag na morning wood

Ejaculations

Ang ejacuation ay paglabas ng malagkit na puting likido mula sa titi (tinatawag din na tamod, semilya, semen, o cum). Kadalasang nangyayari ito kapag nag-orgasm o narating ang sukdulan ng arousal sa masturbation o habang nakikipagtatalik. Kapag malapit nang mag-ejaculate, nakakaramdam ng namumuong tensyon bago ang masarap na feeling, ginhawa, o sexual pleasure na nararamdaman kapag nilabasan na.  

Wet dreams 

Pwedeng mag-ejaculate o labasan ng tamod ang isang taong may titi habang natutulog. Ang tawag dito ay wet dream o nocturnal emission. Karaniwang nangyayari ito nang hindi namamalayan kapag may sekswal na panaginip, pero nangyayari rin kahit walang panaginip.

Anong dapat gawin?

Maaaring maranasan sa unang pagkakataon ang erection, ejaculation, at wet dreams habang nasa puberty stage.  Huwag mabahala. Ito ang maaari mong gawin:

  • Kapag nakakaramdam ng libog o tinigasan, pwedeng mag-masturbate o jakulin ang titi hanggang mag-orgasm o labasan para magtanggal ng stress at sekswal na tensyon. Okay lang ang mag-masturbate at okay lang din kung hindi. 
  • Dahil posible ring tigasan nang walang tiyak na dahilan, pwede itong mangyari sa mga di inaasahan na lugar o pagkakataon. Kapag ganon, i-distract lang ang sarili. Mag-isip ng ibang bagay o libangin ang sarili sa ibang aktibidad. Maya’t maya ay lalambot din ang titi at babalik sa dati. 
  • Kung nagising nang basa ang brip o kumot dahil sa wet dream, hugasan agad ng tubig ang bahaging may tamod at gumamit ng detergent para matanggal ito at maiwasan ang mantsa. Mas malaki ang posibilidad na mag-mantsa ang tamod kung hahayaan itong matuyo. 
  • Huwag kalimutang panatilihin ang kalinisan sa katawan! Hugasan ang titi kasabay ng pagligo araw-araw, pagkatapos mag-ejaculate, o pagkatapos pagpawisan sa exercise. Gumamit ng tubig at sabon para linisin ang titi at tuyuin ito nang maigi pagkatapos. Kung hindi tuli, dahan-dahang hilahin pabalik ang foreskin o balat na bumabalot sa dulo ng titi para mahugasan ang bahaging ito at ilalim ng foreskin. 

Tandaan: Hindi kailangang gumamit ng ibang products gaya ng pabango, deodorant, o alcohol para linisin ang titi dahil pwede itong maka-irita sa balat. 

Normal lang ito!

Ang erection, ejaculation, masturbation, at wet dreams ay sadyang nangyayari sa malusog na reproductive system ng isang taong may titi. Ang libog at pagiging curious sa sekswalidad ay talagang parte ng pagbibinata. 

Hindi porket tumigas ang titi nang walang dahilan o nagkaroon ng malibog na panaginip ay “manyak” na. Posible talagang mangyari ang mga ito nang wala sa kontrol ng isang tao. 

Mangyari man ang mga ito lalo na kung first time maranasan, hindi ito dapat ikahiya o ikatakot. Wala namang mali sa’yo na kailangang itama.