Contra… parang kontrabida. Pero sila yung kontrabida na mas gusto natin dahil ang mga contraceptives ay kontra sa maaga at ‘di planadong pagbubuntis. Ano ang ginagawa nila? Simple. Lahat sila ay pinipigilan na magtagpo ang semilya ng lalaki at itlog ng babae. Kapag ginamit nang tama ang mga contraceptives, walang pagbubuntis na mangyayari!
May mga contraceptives na pinipigilan ang mga obaryo ng babae na maglabas ng hinog na itlog. Meron ding nanghaharang sa semilya ng isang lalaki para hindi nito makatagpo ang itlog. At meron din namang iilang klase ng contraceptives na ginagawa ang parehas. Depende na sa’yo kung anong klase ng contraceptives ang gagamitin mo.
Ang mga halimbawa ng contraceptives ay condom, intrauterine devices (IUD), pills, contraceptive implants, at birth control injections.
Ano ang best na contraceptive?
Mainam na magpatingin ka sa isang doktor para malaman mo kung anong contraceptives ang hiyang sa iyo, komportable kang gamitin, at naaayon sa iyong sitwasyon.
Gusto lang naming ipaalala na hindi pare-parehas ang epekto ng iba’t-ibang klase ng contraceptives sa bawat taong gumagamit nito. Hindi porke’t ayaw ng kaibigan mo ang pills, halimbawa, ay hindi na rin ito okay para sa iyo. May choice ka namang sumubok ng iba’t-ibang klase ng contraceptives hanggang sa matumbok mo ang uri ng contraceptive na talagang para sa’yo.
Gaano ako makakasigurado na hindi ako mabubuntis o makakabuntis kung gagamit ako ng contraceptives?
Walang contraceptive na garantisadong 100% na epektibo sa lahat ng pagkakataon.
Pero 98-99% effective ang lahat ng modernong contraceptives, basta tama ang paggamit nito.
Paano at saan ako makakakuha ng contraceptives?
Magpatingin ka sa isang doktor o nars para magabayan ka sa klase ng contraceptives na swak para sa’yo. Maganda na rin kasi na ma-check muna ang kalusugan mo bago ka mag-birth control.
Ano ang mga benepisyong makukuha ko sa paggamit ng contraceptives?
Napakataas ng tsansang hindi ka mabubuntis o makakabuntis kapag gumamit ka ng contraceptives. In short, hindi ka magiging instant magulang sa panahong hindi ka pa handa.
Mababawasan din ang posibilidad na mahawaan ka ng sakit na nakukuha sa hindi protektadong pakikipagtalik.
Para sa mga taong may matris, pwede ring maging mas maikli, magaan, at maging regular ang pagreregla kapag gumamit ng ilang klase ng contraceptives. Meron pa nga na talagang napipigilan ang pagreregla ng isang babae. Normal lang ito at hindi makakasama sa kalusugan. Tipid pa sa napkin!
Posible ring mabawasan nito ang pagsakit ng puson, mapigilan ang pagdami ng tigyawat, at mapababa ang tsansa na magkaroon ng ilang klase ng cancers.
May mga side effects ba sa katawan ang paggamit ng contraceptives?
May mga ilang nakakaramdam ng pagkahilo, pagdurugo sa pagitan ng panahon ng pagreregla o spotting, maaga o huling pagreregla, pamamaga ng mga suso, at pagbigat ng timbang. Pero kadalasan ay sa umpisa lang ang mga side effects na ito. Bigyan mo lang ang katawan mo ng 2-3 buwan hanggang sa ito’y masanay. Siyempre ay nag-ge-getting to know you pa ang katawan mo at ang klase ng contraceptive na ginagamit mo.
Huwag mag-atubiling magpatingin sa doktor kung patuloy ka pa ring nakakaramdam ng masama dahil sa iyong patuloy na paggamit ng contraceptives.
Nakakataba at nakakabaog ba ang paggamit ng contraceptives?
Sa kabuuan ay hindi nagpapabigat ng timbang ang contraceptives, pero may mga ilang babae na posibleng bumigat ang timbang dahil sa pag-inom ng pills. Huwag kang mag-alala, hindi ka naman magiging balyena dahil lang gumamit ka ng birth control. Sa paggamit ng mga hormonal methods (gaya ng pills, DMPA, at implant) dalawang kilo lamang ang nadadadagdag sa timbang ng mga gumagamit.
Tsismis din na mababaog ka kapag gumamit ka ng contraceptives, pwera na lang kung magpa-ligate ka o vasectomy. Panandalian lang o temporary ang epekto ng hormonal contraceptives sa katawan. Pwedeng short-term o long-term ang epekto, pero hindi forever. In short, kapag tinigil ang paggamit ng contraceptives, bumabalik din ang posibilidad na mabuntis.
Pwede ba akong gumamit ng contraceptives kahit ako ay nireregla?
Oo, pwedeng pwede. Pero para makasigurado ay magpatingin ka sa doktor bago ka gumamit ng kahit na anong klase ng contraceptives para ma-check muna ang kalagayan ng iyong kalusugan.
Hindi pa ako 18 years old. Pwede na ba akong makakuha o makabili ng contraceptives?
Pwede, pero dapat ay may consent mula sa iyong magulang o legal guardian. Oo, alam namin na nakakahiyang magsabi sa kanila, pero pwede ka namang makipag-ugnayan sa amin sa Ugat ng Kalusugan para mas lalo ka pa naming magabayan.