HIV at AIDS: Ano ang Pinagkaiba?

CA38 HIV AIDS

Hanggang sa ngayon, maraming maling pananaw tungkol sa HIV. Kadalasan, mas pinipili ng mga taong positibo sa HIV na itago ang kanilang kalagayan dahil sa stigma na nauugnay sa sakit na ito.

Ang HIV o Human Immunodeficiency Virus ay patuloy na lubusang nakakaapekto sa buhay ng napakaraming indibidwal at kanilang pamilya sa buong mundo. Sa Pilipinas, base sa 2020 report ng Department of Health (DOH), humigit kumulang 81,169 na Pilipino na ang naitalang mayroong HIV. Ayon pa sa DOH, 21 na mga bagong kaso ng HIV ang naitatala araw-araw.

Hindi dapat pinandidirihan ang mga taong namumuhay na may HIV. Sa katunayan, mas kailangan natin silang kilalanin, unawain ang kanilang kalagayan, at alamin ang mga paraan kung paano ito maiiwasan.

Ano nga ba ang HIV?

Ang HIV ay isang uri ng virus na umaatake sa immune system ng isang tao. Himayin natin kung ano ang ibig sabihin ng Human Immunodeficiency Virus:

Human, dahil maaari itong makaapekto sa sinumang tao, anuman ang lahi, kasarian, o edad. Immunodeficiency, sapagkat pinapahina nito ang immune system o ang resistensya ng katawan na lumalaban sa iba’t-ibang mga sakit at impeksyon. 

At virus, dahil mabilis itong kumalat kapag nakapasok sa katawan at mas lalo pang dumarami kung hindi naaagapan.

Transmission: Paano naihahawa ang HIV?

Naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng mga bodily fluids o likido ng katawan mula sa isang taong may HIV, katulad ng:

  • dugo;
  • semen o tamod;
  • vaginal fluid;
  • anal fluid; at
  • breast milk.

Ito ay karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng unprotected sex o hindi-protektadong pakikipagtalik kagaya ng pakikipagtalik nang hindi gumagamit ng condom; o kaya naman ay pagbabahagi o pagshe-share ng mga karayom o injection needles sa paggamit ng droga.

Ang HIV ay maaari ring maipasa mula sa ina papunta sa bata habang nagbubuntis, kapanganakan, o pagpapasuso. Hindi man ito mga karaniwang sitwasyon ngunit ito ay nangyayari pa rin. 

Lingid sa kaalaman ng nakararami, hindi maaaring makakuha ng HIV sa pamamagitan ng casual contact tulad ng paghawak, paghalik,o kahit na pagshe-share ng baso.

Paano nakakaapekto sa katawan ang HIV?

Kapag nakapasok na sa loob ng katawan, ang virus ay agad nang magsisimulang umatake sa mga cells ng immune system, partikular na ang mga T-cells sa iyong dugo na nagtatanggol ng iyong katawan laban mula sa iba’t-ibang impeksyon.

Halimbawa, kapag ikaw ay nagkaroon ng flu o lagnat, ang mga T-cells ang lumalaban sa sakit upang mas mabilis na gumaling. Pinapatay ng HIV ang mga T-cells sa katawan kaya mas humihina ang resistensya ng tao, at ginagamit din ito upang mas maparami ang virus. 

Ang dami ng HIV sa dugo ng isang tao ay tinatawag na viral load. Habang kumakalat ang virus ay mas tumataas ang viral load at mas bumababa naman ang bilang ng mga T-cells ng iyong katawan. Ibig sabihin, humihina ang immune system at hindi na gaanong nakakalaban sa mga sakit tulad ng cancer, tuberculosis, o kahit pa pangkaraniwang ubo’t sipon.

Paano malalaman kung may HIV ang isang tao?

Madaling malaman ang HIV status gamit ang mga rapid HIV test na karaniwang ginagamit sa clinics, emergency departments, at temporary testing sites katulad ng health fairs at special HIV testing events. Ito ay maikling proseso ng pagkuha ng kaunting dugo sa pamamagitan ng pagtusok sa daliri. Sa loob lamang ng 30 minuto, makukuha na agad ang resulta. Ang HIV tests ay 99% – 100% reliable, at ito ay strictly confidential. Marami ang kinakabahan o takot na magpa-test, ngunit hindi ito dapat maging hadlang upang magpa-test.

Tandaan na kadalasan ay walang nakikitang sintomas ang HIV, at pagpapa-test lang ang siguradong paraan para malaman ang iyong HIV status.

Ano naman ang AIDS?

Kung hindi agad mada-diagnose at maaagapan, ang HIV ay maaaring humantong sa isang mas seryosong kondisyon na tinatawag na AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome. Ang AIDS ay nade-develop matapos ang isang tao ay nagkaroon ng HIV sa loob ng maraming taon. Sa AIDS, ang immune system ay mahinang mahina na at nagkakaroon na ng mga malulubhang impeksyon at iba’t ibang problema sa kalusugan.

Paano maiiwasan ang paglala ng HIV?

Sa kasalukuyan, mayroong mga gamot upang maiwasan ang paglala ng HIV sa AIDS. Ang gamot na ginagamit para sa HIV treatment ay tinatawag na antiretrovirals o ARVs na nakakatulong upang ihinto ang pagkalat at pagdami ng virus sa katawan. Hindi man ganap na mapuksa ang virus, ang pag-inom ng gamot na ito araw-araw ay nakakatulong na ibaba ang viral load hanggang ito ay maging undetectable

Samakatuwid, ang bilang ng T-cells ay makakabalik sa normal, at dahil konti na lamang ang virus sa katawan, mahihirapan nang kumalat ang virus at dumami pa. Halimbawa, halos lahat ng mga buntis na positibo sa HIV na may undetectable viral load ay hindi na nakakahawa sa kanilang sanggol. Ang mga taong may undetectable viral load ay mas malamang na hindi na maipapasa ang virus sa kanilang mga sexual partners. 

Importanteng tandaan: U=U. Undetectable=Untransmissible.

Ang taong na-diagnose nang mas maaga ay may mas malaking posibilidad na mag-respond ng mabuti sa paggamot at mas mataas ang posibilidad na mabuhay nang malusog at matagal. Kaya naman huwag hayaan ang takot na makapigil sa pagpapa-test.

Paano makakaiwas sa HIV?

Maraming paraan upang maprotektahan ang sarili mula sa HIV. Kailangang mahanap ang tamang paraan sa pag-iwas – o kombinasyon ng mga paraan – na maaaring maging epektibo para sa sarili at sa mga sekswal na kapareha.

Gumamit ng condom at lube sa bawat pakikipagtalik

Isa sa mga pinakamadali at pinakamainam na paraan para makaiwas sa HIV ay ang paggamit ng condom. Mabilis at madaling nakakabili ng mga condom sa mga botika, supermarket at maaaring libre rin ito sa mga reproductive health clinic at barangay health center. Mayroon ding dagdag na benepisyo ang condom para makaiwas sa iba pang uri ng sexually transmitted diseases o STIs, dahil ito ay isang uri physical barrier contraceptive.

Ang condom ay madalas gawa sa latex na isang uri ng rubber. Ito ay sinusuot bilang balot sa ari ng lalaki. Sinasalo ng condom ang tamod mula sa ari habang nakikipagtalik upang hindi makapasok ang sperm cells sa katawan ng katalik. Dahil epektibo itong contraceptive para sa birth control at pag-iwas sa STIs, inirerekumenda na isabay ang paggamit ng condom sa ibang uri ng contraceptives.

Isang beses lamang maaaring magamit ang condom. Inirerekumendang itapon agad ang condom pagkatapos gamitin. Hindi ito kailanman maaaring i-reuse. Dahil sa materyal na latex, maaaring mag-trigger ng allergic reaction ang condom. Kung may allergy sa latex, may mga alternatibong gawa naman sa polyurethane or polyisoprene.

At para hindi mabawasan ang sarap sa pakikipagtalik, gumamit ng water-based lubricant kasabay ng condom. Mababawasan din nito ang posibilidad na masugatan ang ari o puwit ng  katalik, na kadalasang nakatataas ng tiyansang makahawa ng HIV.

Kung tama ang paggamit, ang condom ay 95% na epektibo. Dapat pa rin tandaang ang paggamit nito ay hindi foolproof dahil maaari itong mapunit o matanggal habang nakikipagtalik. Kung ibabase sa tipikal na paggamit, naglalaro sa 79% hanggang 82% ang bisa ng condoms.

Alamin kung available ang PrEP malapit sa inyong lugar

Mayroon ding gamot na maaaring inumin bilang preventive measure kontra sa HIV. Ang PrEP o pre-exposure prophylaxis ay isang uri ng gamot na iniinom isang beses sa isang araw ng mga taong walang HIV para pababain ang kanilang panganib na magkaroon ng HIV. Iniinom ito pagkatapos matukoy o pinaghihinalaang pagka-expose sa HIV. Iniinom ang PEP sa loob ng 28 araw at kailangang masimulan sa loob ng 72 oras pagkatapos ma-expose sa posibleng HIV positive na sexual partner.

Kung mayroon nang HIV, mapoprotektahan ang mga kapareha sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot para sa antiretroviral treatment araw-araw. Maaaring pababain ng gamutan ang dami ng virus sa katawan ng isang tao hanggang sa mabababang antas na hindi na ito nakikita, na nangangahulugang hindi na maisasalin ang HIV sai iba.

Mga huling paalala

Kagaya ng nauna nang sinabi, makatutulong ang regular na pagpapasuri sa HIV at iba pang STI para mas maagang matukoy ang mga impeksyon. Nangangahulugan ito na mas maaga kang makakapagpagamot ng mga impeksyon at maiiwasan mong maisalin sa iba pa ang HIV.

Hindi dapat katakutan ang HIV. Ugaliing bumisita sa clinic na nagbibigay ng serbisyong pangsekswal na kalusugan, regular na magpasuri sa lokal na doctor, at bumisita sa lokal na health center  sa komunidad.

Maraming tao na ang nawalan ng pamilya, kaibigan, at kabuhayan dahil sa kanilang HIV status. Hindi ito fair o makatarungan, ngunit. ang ating bansa ay puno pa rin ng stigma at diskriminasyon. Sa kabila nito, tamang edukasyon tungkol sa paggamot at pag-iwas ang kinakailangan.

Laging tatandaan na ang HIV ay preventable, at hindi rin ito isang death sentence. Protect yourself. Love yourself.